Mayroon na namang pulis na nahuli habang nagsa-sideline na “escort service” noong Lunes sa Diokno Avenue at ASEANA City sa Parañaque City. Bukod sa pulis, nahuli rin ang isang dating sundalo. Ang pulis ay 45-anyos at isang sarhento, samantalang 57-anyos ang sundalo. Nakasuot umano ang dalawa ng uniporme ng Highway Patrol Group (HPG). Nahuli ang dalawa sakay ng motorsiklo na may sticker ng HPG at inieskortan ang isang itim na mamahaling sasakyang Alphard. Hinihinalang Chinese ang inieskortan ng dalawa. Tinangka umanong patigilin ng mga operatiba ang sasakyang inieskortan ng dalawa subalit mabilis na nakaalis ito at nagtungo sa isang hindi malamang direksiyon.
Ayon kay PNP-Highway Patrol Group chief Brig Gen. Jay Cumigad, ikinatwiran daw ng pulis na pauwi na raw siya nang arestuhin. Nahaharap sa reklamong usurpation of authority at illegal use ng uniform at insignia sa Parañaque prosecutor’s office ang dalawa. Galit na sinabi ni Cumigad sa pulis, “Hindi ka na nakakatulong, nakakaperwisyo ka pa!” Hindi naman pinangalanan ni Cumigad ang pulis at sundalo.
Kamakailan lang, dalawang Special Action Force (SAF) troopers ang nabuking na nag-eeskort sa opisyal ng Philippine Offshore and Gaming Operator (POGO) sa Ayala-Alabang. Nakilala ang dalawang SAF troopers na sina Cpl. George Mabuti at Pat. Roger Valdez. Nakadestino ang dalawa sa Mindanao subalit narito sa Metro Manila para mag-escort at pinasusuweldo ng P40,000 bawat isa. Nabuking ang pag-eeskort ng dalawa sa POGO official nang gumawa ng gulo sa Ayala-Alabang at inaresto ng mga pulis.
Dahil sa ginawa ng dalawa, sinibak na sila sa puwesto at ni-releived na rin sa puwesto ang 10 iba pa, kabilang ang hepe ng dalawang SAF troopers. Hinihinala ng PNP na may basbas ng kanilang superior ang pag-escort ng dalawa sa POGO official. Hindi naman pinangalanan ang opisyal ng POGO na inieskortan ng dalawang SAF.
Nakakahiya ang ginagawa ng mga pulis na nag-eeskort ng mga mayayaman na hinihinalang mga Chinese. Maaaring matagal nang ginagawa ang pag-eskort at pagbibigay ng security ng mga pulis sa mga mayayamang negosyante o maging mga pulitiko at ngayon lamang nabubuking.
Kung kailan nilakihan ang suweldo ng mga pulis ay saka naghangad pa nang mas malaki at tinatalikuran ang kanilang tunay na trabaho na paglilingkod sa mamamayan. Malaking hamon ito kay PNP chief Gen. Rommel Marbil na nangako kay President Marcos Jr. noong Abril 1, 2024 na lilinisin ang PNP. Nasan ang pangako?