Tinutuligsa ng kilalang social activist na si Tessy Ang-Sy ang tuluy-tuloy na pagsisiyasat ng Senado sa pagkatao ni Bamban, Tarlac Mayor Alice Leal Guo. Ani Ang-Sy nalihis nang masyado ang imbestigasyon sa orihinal na paksa na may kinalaman sa POGO operation na ni-raid sa Tarlac na nasa gusali at lupaing pag-aari ni Guo.
Hindi kaya natatanto ni Ang-Sy na mas seryoso ang natuklasang ilegal na pagpasok sa bansa ng mga Tsino na nakakakuha ng Chinese citizenship at nakakatakbo pa’t nailuluklok sa mataas na posisyon?
Sana’y namamali lang ng ebaluwasyon si Ang-Sy dahil kung iyan ang kanyang pinaninindigan, baka hinalain nang marami na siya ay isang pakawala rin sa bansa ng China na ang layunin ay sakupin ang Pilipinas.
Ano’ng malay natin, baka marami pang Tsino ang humahawak na ng mga elective position na wala tayong kamalay-malay? Noon lang termino ni Presidente Duterte, nagluklok siya sa kanyang Cabinet ng mga Chinese na may spurious characters.
Salamat nga sa unli-investigation na ito at maraming impormasyon ang naibubunyag tulad ng inilathala ng isang Chinese blogger na si Guo ay may koneksiyon sa Chinese Communist Party. At nang manalo pa si Guo noong election, isang full page na pagbati ang inilathala sa isang Chinese paper.
Ang pagsulpot ni Guo sa eksena at nagbukas ng can of worms na nagpapakitang may seryosong problema sa Chinese infiltration sa bansa na dapat asikasuhin ng mga awtoridad.