SABI ni Presidential Adviser for Poverty Alleviation Larry Gadon, produkto lamang nang malawak na imahinasyon ang tungkol sa sinasabing kahirapan na dinaranas ng mga Pilipino. Haka-haka lamang daw ito. Walang katotohanan na naghihirap ang mga Pilipino. Ayon kay Gadon, malaki na raw ang ibinaba ng poverty rate sa bansa, mula sa 24.7% ay naging 23.4% na lamang.
Ginawang halimbawa ni Gadon, kaya niya nasabing haka-haka ang sinasabing naghihirap daw ang mga Pilipino ay ang pagdagsa ng mga ito sa mall. Napakarami raw kumakain sa fastfoods. Lahat daw ng branches ay punumpuno ng mga tao.
Pagtumingin naman daw sa kalsada, ang makikita ay ang maraming sasakyan—mga bagong kotse. Kaya raw napakatrapik ay dahil sa napakaraming sasakyan.
Ibig sabihin niyan, maganda ang ekonomiya at mataas ang purchasing power ng mga Pilipino. Kaya haka-haka lamang nang marami ang tungkol sa kahirapan. Hindi raw totoo na may naghihirap.
Ayon kay Gadon, maganda raw ang pamamahala ni President Ferdinand Marcos Jr. kaya nararapat suportahan. Huwag daw maniwala sa mga naninira na hindi maganda ang pamamalakad ni Marcos. Napakaganda raw ng tinatahak ng bansa at umaasa na gaganda pa ang kinabukasan ng mga susunod na henerasyon.
Marami naman ang kumontra sa sinabi ni Gadon na haka-haka lang ang nararanasang kahirapan. Dapat daw lumabas sa kanyang malamig na opisina si Gadon para makita niya ang kalagayan ng mga mahihirap na ang iba ay dalawa o isang beses lang kumakain sa maghapon.
Ang sinabi ni Gadon na haka-haka lamang ang nararanasang kahirapan ay taliwas sa ginagawa ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) na pamamahagi ng ayuda sa mga mahihirap. Parang sinabi ni Gadon na nagsisinungaling ang DSWD sa pamamahagi ng ayuda. Lumalabas na hindi mahihirap ang nabibigyan ng ayuda. Bukod sa ayuda, patuloy din ang 4Ps (Pantawid Pamilyang Pilipino Program) kung saan pinagkakalooban ng tulong pinansiyal hindi lamang sa pagkain kundi pati sa pag-aaral ng mga anak. Kung haka-haka o hindi totoo ang sinasabing nararanasang kahirapan na sinabi ni Gadon, itigil na ng DSWD ang pamamahagi ng ayuda at ilaan na lamang sa mga proyekto.
Ang pinagbabasehan lamang ni Gadon kaya nasabing haka-haka ang kahirapan ay ang mga nakikitang tao sa malls, fastfoods at mga bagong sasakyan subalit kung magtutungo siya sa mga liblib na lugar makikita niya ang katotohanan. Maraming maysakit na hindi makapagpaospital dahil sa kawalan ng pera. Marami ang walang access sa malinis na inuming tubig. Maraming bata ang hindi makapag-aral dahil sa kadahupan ng buhay. Hindi ito haka-haka lamang.