KUNG dayuhan ang magmamaneho sa mga lansangan ng Metro Manila, magugulat siya’t magtataka kung bakit madalang ang insidente ng road rage. Maraming video sa YouTube ng mga Amerikano na sangkot sa road rage dahil sa simpleng insidente lang. Iba nauuwi lamang sa “senyasan” pero ang iba nauuwi sa sagutan at sakitan.
Sa pangkalahatan, ang mga Pilipino ay mas mapagparaya sa mga masasamang driver maliban kung ang paglabag o insidente ay lantaran na at hindi katanggap-tanggap. Isang halimbawa ay ang pag-counterflow kung saan ito ay hindi pinapayagan. At habang ang paglabag ay nakunan sa dashcam, halos hindi nakikita ang traffic enforcer na namagitan at sinisita ang nagkasala.
Ang isa pang karaniwang paglabag ay ang hindi pagpansin sa “yellow box”. Ang “yellow box” sa kalsada ay nangangahulugan na hindi dapat huminto sa loob ng mga ito upang panatilihing bukas ang intersection o upang panatilihing bukas ang kalsada para sa mga emergency na sasakyan tulad ng mga trak ng bumbero at ambulansiya. Ito ay napakasimpleng sundin ngunit meron pa ring kulang sa sentido komon.
Muli, walang nakikitang traffic enforcer na sumisita sa mga lumalabag sa “yellow box.” Ang problema ay nakasalalay sa katotohanang ang mga enforcer ay karaniwang namamahala sa malalaking intersection, kung saan may mga ilaw trapiko. Tila naghihintay lang sila ng lalabag sa red-light para “maghanap-buhay”. Alam na ninyo iyan. Kung ang mga patakaran at regulasyon sa trapiko ay hindi mahigpit na ipinapatupad, magkakaroon talaga ng pagiging kampante na lumabag.
Kailangan ng mas maraming traffic enforcer na namamahala sa mga pangunahing intersection sa Metro Manila. Ang mga Pilipino ay mayroon ding saloobin na “kung makakalusot ako, gagawin ko”. Nakikita ito ng mga sasakyang hindi sumusunod sa pulang ilaw dahil walang enforcer.