Tuwing hapon at gabi ay bumubuhos na ang ulan sa Metro Manila. Kahapon ng hapon, dakong alas tres, umulan nang malakas. Hindi naman nagtagal ang pag-ulan at tumigil din agad. Pero nagdulot agad ito ng baha sa mababang lugar sa Maynila at Quezon City at sa iba pang lungsod. Mabuti na lang at walang pasok kahapon sa opisina at school, kundi kalbaryo na naman para sa mga empleyado at estudyante.
Karaniwang binabaha ay ang España Blvd at Taft Avenue sa Maynila. Hanggang hita ang baha sa mga nabanggit na kalsada at walang makaraan na light vehicles. Isa sa mga binabahang lugar sa Quezon City ay ang Araneta Avenue. Problema rin ang baha sa Pasong Tamo at Buendia Avenue sa Makati City.
Hindi pa dinideklara ng PAGASA ang panahon ng tag-ulan pero ganito na ang sitwasyon sa maraming lugar sa Metro. Paano pa kung tag-ulan na nga at walang patlang ang buhos? Tiyak, problemado na naman ang mga taga-Metro Manila sa perwisyong baha.
Isa sa mga dahilan ng baha sa MM ay ang mga basurang plastic na nakabara sa drainage. Tinukoy ding dahilan ay ang mga itinatayong condominium sa paligid. Barado ng buhangin, natuyong semento at iba pang construction materials ang mga drainage, kanal at iba pang daluyan ng tubig.
Maraming basura na kadalasang single-use plastics ang tinatapon sa mga estero, kanal at sapa. Ang mga basurang ito ay hindi natutunaw sa loob nang maraming taon. Habang tumatagal, parami nang parami ang mga nakabara dahil dumami rin ang mga taong walang disiplina sa pagtatapon ng basura.
Kabilang sa mga basurang plastic na nakabara sa daluyan ng tubig ang mga plastic sachet ng shampoo, 3-in-1 coffee, catsup, toothpaste at iba pa. Dahil hindi nabubulok, malaking problema sa tuwing may malakas na pag-ulan at baha.
Ang problema sa plastic na basura ay inamin naman ni DENR Secretary Maria Antonia Yulo-Loyzaga. Ayon kay Loyzaga, 61,000 metrikong tonelada ng plastic na basura ang itinatapon araw-araw at 24 percent sa mga basurang ito ay single-use plastic.
Isang paraan para malutas ang problema sa plastic waste ay ang pagpapalakas sa mga ordinansa ng local government units (LGUs) na nagbabawal sa pagtatapon ng basura sa mga estero at iba pang daanan ng tubig. Bigatan ang parusa sa mga mahuhuling magtatapon. Kung hindi maghihigpit, lulubha pa ang problemang baha sa MM.
Kung hindi uubra ang ordinansa, dapat ibawal na ang produksiyon ng single-use plastic o kaya’y taasan ang buwis sa mga gumagawa nito.