Salamat sa pag-raid ng Philippine Anti-Organized Crime Commission (PAOCC) sa Baufo Compound sa Bamban, Tarlac noong Marso kung saan nag-o-operate ang Hong Sheng Gaming Technology Incorporated at Zun Yuan Technology Incorporated, mga illegal POGOs. Na-rescue sa raid ang maraming Chinese at iba pang nationalities. Nahalungkat na ang may-ari ng compound ay si Bamban Mayor Alice Guo at incorporators siya ng dalawang illegal POGOs.
Nang imbitahan siya ng Senado at tanungin, nakakapag salita naman siya ng matatas na Tagalog. Pero wala siyang maipresentang birth certificate dahil sa bahay lang daw siya ipinanganak at nagpa-late registration. Labimpitong taon daw siya nang magparehistro. Ipinanganak daw siya noong Hulyo 12, 1986. Wala rin siyang school records dahil sa bahay lang daw siya nag-aral. Hindi rin siya nakapag-kolehiyo.
Hindi rin niya masabi kung ang identity ng kanyang ina at tanging ang ama lamang na si Jian Zhong Guo ang kanyang kasama. Ang kanyang ama raw may babuyan sa Bamban.
Sa pagtatanong ng Senado kung paano niya napondohan ang kanyang kandidatura, tinulungan daw siya ng mga kaibigan at pati na ang nakaraang Duterte administration. Ayon sa kanya, gumastos lamang siya ng P134,000 sa kanyag kandidatura. Siya ang kauna-unahang babaing mayor ng Bamban at tumakbong independent.
Sinabi naman ng mga taga-Bamban mismo na bigla na lamang lumutang ang pangalan ni Guo noong 2022 elections. Wala raw nakakakilala rito. May mga nagsabi naman na matagal na nilang nakikita si Guo sa lugar. May nagsabing mabait daw ito at matulungin.
Kumikilos na ang Office of the Solicitor General sa pagkatao ni Guo. Nangangalap na sila ng inpormasyon kay Guo at kung totoo bang ito ay ipinanganak sa Pilipinas at kung paano nakapasok sa pulitika at walang kahirap-hirap na nanalo.
Inaalam na rin kung paano nagkaroon ng kayamanan si Guo sa loob ng 37 taon na kinabibilangan ng helicopter, mamahaling sasakyan at mga shares sa 11 kompanya.
Kumikilos na rin ang Commission on Elections at inaalam kung may iregularidad sa pagsusumite ng certificate of candidacy ni Guo. Ayon naman sa Comelec, wala silang natatanggap na electoral protests laban kay Guo.
Nararapat na paigtingin pa ng Senado ang pag-iimbestiga kay Guo. Halukayin pa ang pagkatao niya para ganap na malantad ang katotohanan. Hindi dapat tumigil sa paghanap ng pagkikilanlan.