Paghanga nawala

Pakiwari ko, nawala na ang paghanga kay Bulacan ­Governor Daniel Fernando ng kanyang fans mula sa Cagayan at Zambales.

Nagsimula ito nang sampahan siya ng graft case ng Office of the Ombudsman, kasama si Vice Governor Alex Castro at iba pang opisyal ng Bulacan ukol sa Bulacan ­River Restoration Project na ini-award sa TCSC Corporation.

Ang nagsampa ng kaso ay isang alyas Francisco Balagtas. Sa reklamo ni Balagtas, nakipagsabwatan umano sina Fernando at mga opisyal ng TCSC para mapasakamay ang proyekto nang walang bidding.

Ayon pa kay Balagtas, tinanggihan nina Fernando ang inisyatibo ng San Miguel Corporation (SMC) na libreng dredging.

Ang project ay biglaang isinapubliko ni Fernando noong Abril 29, 2024 sa EDSA Shangri-La Hotel sa Mandaluyong.

Ayon sa mga taga-Cagayan at Zambales na nakausap ko, may kahalintulad na mga river restoration projects din sina Gov. Manuel Mamba at Gov. Hermogenes Ebdane at malaki raw ang kita sa river restoration dahil ang mga ilog ay mayaman sa black sand.

Sabi pa ng mga nakausap ko, sana raw hindi mabuking ng Ombudsman ang mga naganap na paglabag sa pag-award ng proyekto at ganundin sa mga nilalaman ng kasunduan.

Ayon pa sa mga nakausap ko, matapos sana ang imbestigasyon ng Ombudsman bago ang election sa Mayo 2025.

* * *

Para sa komento, i-send sa: art.dumlao@gmail.com

Show comments