Magkasalungat na proseso
Kaso ito sa mga naitala sa birth certificate at anong korte ang may kapangyarihang duminig ng kaso. Ano ba ang kailangang gawin para magkaroon ng hurisdiksyon ang korte na itama o kanselahin ang mga maling nakasulat dito?
Ito ang birth certificate ni Alicia na nerihistro sa civil registrar ng kanilang siyudad. Nakasaad sa birth certificate na si Alicia ay pinanganak noong November 12, 1999 bilang pinakamatandang anak na babae ng mag-asawang Rosita Reyes at Artemio Acosta. Noong kumukuha siya ng benepisyo sa GSIS, nagulat siya na mayroon siyang ibang birth certificate na nakarehistro sa civil registrar na may ibang numero at nakatala na siya ay ipinanganak noong November 12, 1938 at ang pangalan ng tatay niya ay Pedro Santos.
Kaya nagsampa si Alicia ng petisyon upang itama ang mga maling ito. Noong dininig ang petisyon nag-file ng “entry of appearance” ang private prosecutor bilang kinatawan ng Office ng Solicitor General (OSG). Ngunit ito ay na file matapos ang petsa ng pagdinig sa kaso.
Kaya pinayagan ng korte si Alicia lang ang magprisinta ng ebidensIya. Binigay niya sa korte ang kanyang voter’s certificate, baptismal certificate at marriage contract na nagpapakita ng kanyang tunay na pangalan at petsa ng kapanganakan.
Pagkaraan nito nagpasya na ang korte at inutusan ang civil registrar na itama ang mga maling naitala sa kanyang birth certificate.
Bagaman nagkomento pa rin ang OSG at hinadlangan ang petisyon ito ay huli na dahil may desisyon na ang korte. Inapila ng OSG ang nasabing desisyon at muling inulit ang kanilang opposition at komento, lalo na ang walang kapangyarihan ng korte dahil hindi sinabi ni Alicia ang mga partido tungkol sa kaso lalo na ang tatay na si Artemio Acosta.
Ngunit kinumpirma pa rin ng CA ang desisyon ng mababang hukuman. Sinabi ng CA na ang hindi pagsama ni Alicia ng mga tamang Partido sa kaso ay naitama na noong ang pagdinig sa kaso ay nailathala sa diyaryo na tatlong sunod sunod na lingo. Tama ba ang CA?
Mali, sabi ng Supreme Court (SC). Ang proseso sa pagtatama ng mga nakatala o nakarehistro sa civil registry ay maaaring buod (summary) o magkatungali (adversarial).
Ang pagtatama sa pangalan ng ama o ina sa birth certificate ay tungkol sa importanteng bagay kaya hindi pwedeng ito ay buod (summary). Ang civil registrar o lahat ng taong naapektuhan nito ay kailangang maging partido sa kaso. Hindi ito nagawa ni Alicia sa kanyang petisyon dahil hindi niya isinama sa petisyon ang tatay, at nanay at mga kapatid niya bilang partido.
Alam naman ni Alicia na dalawang tatay ang nakarehistro sa birth certificate. Ang pagsasama niya sa mga ito bilang partido sa petition ay pagbibigay sa kanila ng karapatang madinig dahil ito ay makaaapekto sa kanilang karapatang magmana.
Kailangang may mga makatarungang sirkumtansiya na hindi sila naisama bilang partido tulad ng sapat na pagsisikap na dalhin sila sa korte o kaya ‘yung kamag-anak mismo ang gumawa ng pagtatama sa mali. Walang mga ganitong nangyari sa kasong ito. Kaya mali ang desisyon ng CA (Republic vs. Timario, G.R. 234251, June 30, 2020).
- Latest