Kilala ang mga Pinoy na magiliw at mapagmahal sa ating fur babies, lalo na sa aso’t pusa.
Kapag nagawi ka sa mall, marami tayong makikitang fur parents na buong pagmamalaking pinaparada ang kanilang fur babies suot ang makukulay na costume at sakay ng magagandang stroller.
Pati sa pagkain, special ang pinakakain sa ating mga alaga, na minsan ay mas mahal pa kaysa sa kinakain ng tao.
Bahagi na talaga ang fur babies ng pamilyang Pilipino.
Kasabay ng kasiyahang dulot nila sa ating buhay, naririyan at nakaamba ang isang banta, na kapag hindi agad natugunan ay maaaring mauwi sa trahedya: ang rabies.
Ang rabies ay isang zoonotic disease na dulot ng virus na naililipat mula sa hayop patungo sa tao. Ang incubation period, o ang panahon sa pagitan ng pagkagat at paglitaw ng mga paunang sintomas, ay nasa tatlo hanggang walong linggo.
Sa huling apat na taon, nakaaalarma ang pagtaas ng bilang ng kaso ng rabies sa ating alagang hayop. Mula sa walo noong 2019, tumaas ang bilang nito sa 11 noong 2020, 14 noong 2021, 18 noong 2022 at 19 noong 2023.
Hindi pa tayo nangangalahati sa 2024, pero may naitala na tayong pitong kaso ng rabies sa ating mga alagang hayop.
Mula noong 2019 hanggang 2023, may 17 naman ang namatay dahil sa kagat ng hayop sa iba’t ibang bahagi ng katawan.
Sa datos ng QC Epidemiology and Disease Surveillance Division, noong 2023, ay nasa 54,223 QCitizens ang nabakunahan laban sa rabies ng Quezon City Animal Bite Treatment Center dahil sa kagat ng hayop.
Kaya nananawagan ako sa QCitizens na pabakunahan ang ating fur babies laban sa rabies. Ito’y upang makatiyak na mayroon tayong proteksiyon laban sa mapanganib na sakit na ito na dulot ng virus.
Sabi nga, it’s better to be safe than sorry.