NOONG Mayo 6, ginawaran ng eBiZolution ang Pamahalaang Lungsod ng Makati ng Data Privacy Seal of Compliance. Dapat itong ipagmalaki dahil tayo ang kauna-unahang local government unit sa Pilipinas na nakatanggap ng ganitong pagkilala.
Iginawad ang parangal bilang pagkilala sa pagsunod natin sa Data Privacy Act ng 2012. Ang pagkilalang ito ay resulta ng pagtutulungan ng Office of the Mayor - Information and Communication Technology Office (OM-ICTO) at ng Law Department. Nakamit ng Makati ang 32-Point Data Privacy Accountability at Compliance framework ng National Privacy Commission, naisakatuparan nang maayos ang Privacy Management Program, at patuloy ang pagtupad sa Limang Haligi ng Data Privacy Accountability at Compliance ng NPC.
Ipinapakita ng sertipikasyong ito ang dedikasyon ng Makati sa pagprotekta ng personal na impormasyon at mga karapatan sa privacy ng #ProudMakatizens at ng lahat ng stakeholders. Dahil dito, mas lalong tataas ang tiwala ng mga residente at negosyo sa lungsod, dahil alam nilang protektado ang kanilang datos. Tinitiyak din nito na mas secure ang kabuuang paghawak ng impormasyon sa lungsod.
***
Masayang tinanggap ng Makati ang mga opisyal mula sa German Federal Ministry for Economic Affairs and Climate Action para sa isang trade mission sa Makati City Hall noong May 9. Nagkaroon tayo ng pagkakataong ibahagi sa kanila ang mga kasalukuyang development initiatives, pati na ang trends at opportunities sa sustainable transport at urban environment na pinag-aaralan ng lungsod.
Pinangunahan ni German Federal Ministry Executive Officer Lennart Heinze ang delegasyon na kinabilangan din ng mga kinatawan mula sa German companies, tulad ng CSD Transport Software GmbH, FOGTEC Brandschutz GmbH, Iris Sensing GmbH, Frankische Industrial Pipes GmbH & Co. KG, AHP International GmbH, at Orissa International.
***
Dumalo po ako sa City Mayors’ Roundtable on Smart Cities at the AIM Congress sa Abu Dhabi, UAE mula May 7 hanggang 9. Isa sa mga naibahagi ko doon ay ang epektibong paggamit ng Makati ng digital tools para mapalakas ang ating sustainability, efficiency, at inclusivity efforts. Sa kooperasyon ng UN-Habitat at WeGO, binuo ang event na ito para palakasin ang pagtutulungan at positibong pagbabago sa hanay ng mga pinuno ng mga siyudad sa buong mundo.
Karangalan kong makibahagi sa pagpupulong ng mahigit 100 ministers, city mayors, central bank governors at 900 speakers sa loob ng tatlong araw na conference.