NOONG Sabado, naglabas ng pahayag ang China Embassy na kinumpirma ng Armed Forces of the Philippines-Western Command ang tinatawag na “new model” sa pagtugon ng mga isyu sa West Philippine Sea (WPS) ay inapruba nina Defense Sec. Teodoro at National Security Adviser Eduardo Año. May mga rekord pa raw sila ng mga negosasyon sa pagitan ng dalawang bansa.
Pero pinabulaanan ni Teodoro ang mga pahayag ng China. Panlilinlang lamang ito na karaniwang istilo ng China. Sinabi naman ni Año na “na walang katotohanan, katawa-tawa, at kalokohan” ang sinasabing bagong kasundun. Wala raw inutusang opisyal si President Bongbong Marcos Jr. na pumasok sa anumang kasunduan sa China hinggil sa WPS. Wala ring dahilan ang AFP na imbestigahan si AFP Wescom head Vice Adm. Alberto Carlos sa isyung ito. Gawain lang talaga ng China ang panlilinlang para magtanim ng duda sa isipan ng mamamayan.
Hindi rin pumayag si Marcos na maglagay ng mga water cannon sa mga barko ng Pilipinas para pambawi sa mga ginawa ng China. Kung gagawin ito, siguradong iinit nang husto ang tensiyon sa WPS. Idadaan pa rin sa diplomasya ang mga isyu sa WPS. Nasa panig naman natin ang mga bansa.
Ayaw bumaba sa lebel ng Chinese Coast Guard si Marcos sa kanyang utos na ipagbawal na lagyan na rin ng water cannon ang mga barko ng Pilipinas. Sa ngayon, ang simpatiya ng mga bansa ay nasa Pilipinas. Baka naisip na kung sakaling pumalag na rin tayo sa China ay isipin ng mga bansa na problema na natin ito. Pero iniisip ko rin ang ating mga mamamayan at tauhan ng Philippine Coast Guard na tinitiis na lang ang pananakit sa kanila. Hihintayin na lang ba na may masaktan o kaya’y masira nang lubos ang barko at lumubog? Mahirap talagang balansehin ang diplomasya at pagtanggol sa sarili kung umabot sa ganyan.
Kailangang ituloy ang imbestigasyon ng Kongreso sa umano’y “gentleman’s agreement” ng Duterte administration at China. Kailangang ipaliwanag kung meron man o wala, at ano ang saklaw ng kasunduan.