EDITORYAL — Magtipid sa tubig
PATULOY ang pagbaba ng level ng tubig sa Angat Dam. Kahapon, naitala ang 185.65 meters. Malaki na ang naibawas sa normal level na 212 meters. Ang Angat Dam ang nagsusuplay ng 90 percent ng inuming tubig sa Metro Manila at 25 percent para sa irigasyon sa Bulacan at Pampanga. Dahil sa pagbaba ng level ng tubig, naitala na may mga tahanan nang nakararanas ng water interruptions na tumatagal ng 14 hanggang 16 na oras. Sabi ng PAGASA, magpapatuloy pa ang nararanasang tagtuyot hanggang katapusan ng Mayo dahil sa epekto ng El Niño.
Kamakalawa, sinabi ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) na mahigpit nang ipinagbabawal sa mga golf courses na gumamit ng tubig mula sa Maynilad Water Services at Manila Water dahil sa nakaaalarmang pagbaba ng level ng tubig sa Angat. Sabi ni Environment Undersecretary Carlos David, inatasan nila ang operator ng golf courses na gumamit ng recycled water at hindi tubig na galing sa gripo. Mayroong 10 golf courses na nag-o-operate sa Metro Manila. Ayon sa National Water Resources Board (NWRB), kumukunsumo ang golf courses ng 700 cubic meters hanggag 1,400 cubic meters ng tubig bawat buwan.
Ayon pa sa DENR, pinagbabawalan na rin nilang gumamit ng tubig mula sa dalawang water companies ang mga operators ng clubhouses at swimming pools. May direktiba na rin na nagbabawal nang gumamit ng tubig para pandilig sa halaman, panghugas sa sasakyan at para sa inflatable pools. Pagbabawalan na rin ang mga operator ng carwashes sa Metro Manila dahil malakas kumunsumo ng tubig. Nasa 1,000 umano ang nag-o-operate na carwashes sa Metro Manila, ayon sa DENR.
Kung kailan, mababa na ang level ng tubig sa Angat Dam, saka naglabas ng direktiba ang DENR para magtipid ng tubig. Kung noon pang Marso nagpalabas ng tubig ang DENR na nagbabawal sa golf courses na gumamit ng tubig mula sa Maynilad at Manila Water, baka marami pang nakaimbak sa Angat Dam. Ngayon, pababa nang pababa ang level ng tubig sa dam at posibleng bumaba pa nang husto dahil sa epekto ng El Niño. Wala pang inaasahang pagdating ng ulan, ayon sa PAGASA.
Mahigpit na ipatupad ng DENR ang direktiba—kahit atrasado na. Sikaping mapasunod ang golf courses na huwag gumamit ng tubig mula sa gripo. Tiyakin din na walang makapag-o-operate na swimming pools ganundin ng carwashes na malakas kumunsumo ng tubig.
- Latest