Tuwing Mayo, ipinagdiriwang ang Cervical Cancer Awareness month. Mataas ang mortality rate ng karamdamang ito dahil marami ang hindi na lang nagpapa-check-up sa taas ng halagang magagastos nila.
Ang cervical cancer ay isa sa karaniwang cancer na madalas kumapit sa maraming kababaihan. Ang kalimitang nagkakaroon nito ay yaong mga nasa edad 15 hanggang 44-anyos. Napakagastos ng pagpapagamot lalo na sa mga mahihirap na dinarapuan nito.
Kaya nga inilunsad ng PhilHealth ang Z benefit package at dahil dito, marami sa mga kababayan nating may cervical cancer ang nabigyan ng tulong pinansyal. Saklaw ng paketeng ito ang chemoradiation na may kasamang cobalt at brachytherapy o kaya ay primary surgery para sa maagang yugto ng sakit. Ang nakatakdang halaga ng package ay mula Php120 hanggang Php 175 libo. Ang pakete ng Z benefits para sa cervical cancer ay naka-amba ring tumaas ngayong taon.
Ayon sa mapapanaligang datos, nasa 8,000 bagong kaso ng cervical cancer ang natutuklasan. Sa bilang na ito, tinataya sa 4,000 ang namamatay. Kalimitang dahilan nito ay ang kawalan ng pananalapi ng ilang pasyente kaya hindi na lang nagpapasuri.
Kuwalipikado sa paketeng ito ang mga PhilHealth members na may stage IA1, IA2 – IIA1 cervical cancer at wala pang previous chemotherapy o radiotherapy, at wala rin uncontrolled co-morbid condition.
Sa mga nais mabiyayaan ng paketeng Ito, makipag-ugnayan lamang sa mga pagamutan na kakontrata ng PhilHealth. Ang mga pasilidad na ito ang gagawa ng kaukulang ebalwasyon ng kaso at makikipagkoordinasyon sa PhilHealth. Makikita ang kumpletong listahan ng Z benefits contracted hospitals sa www.philhealth.gov.ph. Kungmayroongkatanungan, kumento, at suhestiyon, tumawag sa PhilHealth Hotline No. (02) 8662-2588 available 24/7.