Nauuso ngayon sa China ang tinatawag na “elf ears” cosmetic surgery kung saan pinalalapad at pinauusli pataas ang taynga para maging katulad ng taynga ng duwende!
Ang pagkakaroon nang malapad at masyadong nakausling taynga ay hindi pasok sa beauty standard ng karamihan. Pero sa China, maraming tao roon ang gumagastos upang magkaroon ng taynga na tinatawag nilang “elf ears” dahil sa tingin nila, nakadaragdag ito ng kagandahan sa mukha.
Nagsimula ang cosmetic surgery trend na ito noong 2021 nang mag-post ang Chinese social media influencer na si Chen Jianan sa kanyang Weibo account ng before and after picture niya matapos sumailalim sa “elf ears” plastic surgery procedure.
Makikita sa “after” picture ni Jianan na mas naka-protrude o nakausli ang taynga niya kapag siya ay naka-front view. Ayon kay Jianan nagparetoke siya ng taynga dahil naniniwala siya na nagmukha siyang bata sa tulong nito, nakapagbibigay din daw ito ng illusion na maliit ang kanyang mukha. May paniwala rin sa traditional Chinese face reading o physiognomy na masuwerte ang nakausling taynga.
Maraming Chinese netizens ang naging interesado sa pagkakaroon ng “elf ears” dahil sa post ni Jianan. Ilan sa mga cosmetic surgery clinic sa China ang nag-offer ng “elf ears” kung saan, dalawang uri ng procedure ang pagpipilian ng mga pasyente. Ang mas murang procedure ay nagtuturok lamang ng hyaluronic acid sa earlobes ng pasyente para umusli ang taynga nito. Mura ang procedure na ito ngunit temporary lamang ito. Ang mas mahal na procedure ay naglalagay ng costal cartilage sa cranial ear groove para permanenteng nakausli ang taynga.
Dahil dumarami ang nagpaparetoke nito, naglabas ng babala ang mga kilalang plastic surgeon sa China na hindi accredited ng Chinese Society of Plastic Surgery ang “elf ears” procedure. Ayon sa kanila, sensitibong bahagi ng katawan ang taynga dahil may nerves at blood vessels sa likod ng taynga.
Sa kasalukuyan, marami pa rin cosmetic surgery clinic sa China ang nagsasagawa ng procedure na ito sa kabila ng mga babala mula sa mga awtoridad.