Serye ng job fairs sa QC ngayong Mayo
Itinuturing natin ang mga manggagawa bilang mahalagang haligi ng ating ekonomiya, pati na ng ating mga komunidad at tahanan. Kung hindi sa kanilang pawis, dugo at sakripisyo, babagsak ang ating ekonomiya at hindi matutugunan ang pangangailangan ng pamilya.
Kaya naman kinikilala ng lungsod ang hindi matatawaran at napakahalaga nilang papel sa Araw ng Paggawa, kasabay na rin ng pagbibigay ng pagkakataon sa iba pang QCitizens na walang hanapbuhay.
Hindi lang isang araw ang ating selebrasyon ng Labor Day, kundi ipagdiriwang natin ito sa buong buwan ng Mayo. Nagsimula ang pagdiriwang na ito kahapon, Mayo Uno, sa pinakamalaking job fair na inorganisa ng lokal na pamahalaan, kasabay ng pagdiriwang ng lungsod ng ika-85 anibersaryo.
Ginawa ang mega job fair sa Risen Garden ng QC Hall, at bukas kahit sa mga hindi taga-Quezon City. Sumali sa ating mega job fair na pinangunahan ng QC Public Employment Service Office katuwang ang Department of Labor and Employment, ang mahigit 100 kumpanya na nag-alok ng mahigit 9,000 trabaho, hindi lang dito sa Pilipinas kundi pati sa ibang bansa.
Bukod sa pagkakataong makakita ng trabaho, nilibre rin natin ang iba pang serbisyo gaya ng ID picture at pagpapa-print ng resume.
Naglatag din tayo ng One-Stop Shop para mag-proseso ng mahalagang requirements, gaya ng QCitizen ID, National ID, Social Security System (SSS), PhilHealth at Pag-IBIG membership.
Libre naman ang clearance mula sa National Bureau of Investigation at Philippine National Police para sa mga naghanap ng trabaho sa kauna-unahang pagkakataon.
May libreng pa-training din ang Technical Education and Skills Development Authority (TESDA).
Bukod sa city hall, nagsagawa ng sabayang job fair kahapon sa SM Supermalls, gaya ng SM City North EDSA, SM City Sta. Mesa, SM City Novaliches, at SM City Fairview.
Sa sabayang job fairs kahapon, nasa 4,000 ang aplikante at halos 300 sa kanila ang hired on the spot.
Nagkaloob pa tayo ng TUPAD payout katuwang ang DOLE sa 1,160 beneficiaries, babang 265 ang nabigyan ng livelihood package, at 1,000 na informal workers ang nabigyan ng financial assistance.
Sa ika-4 ng Mayo, may job fair naman sa Waltermart EDSA.
Nakalinya rin ang job fair para sa mga bagong graduate at mga estudyante ng Our Lady of Fatima University sa Fairview at sa University of the Philippines School of Labor and Industrial Relations sa ika-10 ng Mayo.
Sa katapusan ng buwan, isa pang job fair ang gagawin sa STI College Fairview.
Ang mga serye ng job fair ay paraan ng lokal na pamahalaan na mabigyan ang QCitizens at iba pang naghahanap ng trabaho ng pagkakataong magkaroon ng pagkakakitaan at mapaganda ang kanilang pamumuhay, pati ng kanilang pamilya at mahal sa buhay.
Punta na sa ating mga job fair. Welcome po ang lahat, tagasaan ka man.
- Latest