NOONG Lunes (Abril 22) ay ginunita ang Earth Day. Nataon ang paggunita sa naitalang pinakamainit na temperatura sa maraming lugar sa bansa na umabot sa 42 degrees Celsius. Nagbabala ang PAGASA na titindi pa ang init sa Mayo. Ang matinding init ay iniuugnay sa climate change. Pero mas maraming eksperto ang nagsasabi na ang pagkaubos ng mga punongkahoy sa kagubatan ay malaki ang kaugnayan sa nararanasang heat wave. Kalbo na ang mga kagubatan at kung magpapatuloy ang pagsira sa mga kabundukan, maaaring tumindi pa ang init sa hinaharap.
Nataon din naman sa paggunita sa Earth Day sa ginawang pagsira sa Chocolate Hills sa Bohol na tinayuan ng resort sa paanan nito. Nilagyan pa ng mga istruktura ang mga burol para maakit ang mga turista at pagkakitaan. Ipinatigil na ang mga ginagawang istruktura at pinagpapaliwanag ng DENR ang mga nasa likod ng pagwasak sa Chocolate Hills. Magsasagawa rin ng imbestigasyon ang Senado.
Sa pagdiriwang ng Earth Day noong Lunes, inilunsad ng DENR ang “Earth Day, Every Day” na ang layunin ay maimulat ang mga susunod na henerasyon na mahinto ang plastic pollution sa bansa. Nararapat ding maitanim sa kaisipan ng mga kabataan para magkaroon ng responsibilidad sa kapaligiran. Tinatayang 11 milyon na public school students ang nakilahok sa solid waste management education. Kabilang sa proyekto ang plastic collection competition ng mga estudyante.
Malubha na ang problema sa plastic pollution at kung hindi magsasagawa ng mga kampanya para rito, masisira ang mundo. Ang plastic pollution ang isa sa pinakamabigat na kalaban ngayon. Hindi lamang ang kalikasan ang nasisira kundi pati na rin ang mga lamandagat. Dahilan nang pagkamatay ng mga balyena ay ang mga nakaing plastic.
Wala nang control sa paggamit ng mga supot na plastic o ang single-use plastic. Kahit pa may batas o ordinansa sa mga bayan at lungsod, na bawal gumamit ng plastic, hindi rin ito naipasusunod. Wala kasing batas na nagbabawal na gumawa ng mga supot na plastic gaya ng sando bags.
Sinabi noon ng DENR nagsasagawa sila ng mga pananaliksik kung anong bagay o produkto ang dapat ipalit sa single-use plastics. Sa Thailand, hindi na sila gumagamit ng plastic para lalagyan ng kanilang produkto. Dahon ng saging ang kanilang ginagamit. Puwedeng gawin ito sa Pilipinas. Sa halip na dahon, saha ng saging ang puwedeng gamitin na lalagyan ng kanin at ulam.
Ipinanukala naman ng Department of Finance ay buwisan ang single-use plastics para kumita ang pamahalaan. Bakit hindi ito subukan.