Obligahin ang Kongreso isabatas ang pagbawal sa political dynasties. Petisyon ‘yan sa Korte Suprema ng apat na abogado.
Graduates ng UP College of Law 1976 sina Rico V. Domingo, Wilfredo M. Trinidad, Jorge L. Cabildo, at Ceasar G. Oracion. Petition for mandamus ang isinampa nila sa Korte Suprema. Ibig-sabihin, ipinatutupad nila sa kataas-taasang korte ang mandandong trabaho ng Kongreso kontra sa dynasties. Ipinag-uutos kasi ‘yon ng Konstitusyon.
Saad kasi ng Artikulo II, Pahayag ng mga Simulain at mga Patakaran ng Estado, Seksyon 26: “Dapat seguruhin ng Estado ang pantay na pag-uukol ng mga pagkakataon para sa lingkurang pambayan, at ipagbawal ang mga dinastyang pulitikal ayon sa maaaring ipakahulugan ng batas.”
Hindi tinukoy ng apat na abogado kung ano ang dynasty. Bahala na raw ang Kongreso idetalye ito, ani Domingo sa Sapol-DWIZ. Dating presidente siya ng prestihiyosong Philipine Bar Association.
Maaring gamitin ng Kongreso ang depinisyon ng dynasty ng 2018 Constitutional Commission. Ani dating Chief Justice Reynato Puno sa Sapol-DWIZ, dynasty ang sabay-sabay o sunud-sunod na paghalal sa mag-kamag-anak hanggang second degree of consanguinity (kadugo) o affinity (kasal). Sakop nito ang mag-asawa, anak, kapatid, lolo’t lola, apo, lehitimo man o sa labas.
Dynasties ang ugat ng karalitaan. Anang saliksik ni Ateneo School of Government Dean Ronald Mendoza, PhD. Ku’ng saan pinakamatagal nang may dynasties ay mas dukha ang mamamayan. Kontrolado ng dynasties ang mga partido, at mga lokal na radio-tv stations at diyaryong pangkomunidad.
* * *
Makinig sa Sapol, Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM).