Mahilig ba kayong kumain ng seafoods? Tara na sa Capiz at siguradong mabubusog kayo sa masasarap na seafoods na bagong hango sa mga palaisdaan at karagatan. Simula noong Abril 11 pinagtuunan ng pansin ng mga local governments units (LGUs) sa pangunguna ni Capiz Gov. Frediniel Castro ang Capiztahan na magtatapos hanggang Mayo 1.
Ang layunin nito ay upang makahiyat ng mga turista at mga negosyante na makapagbibigay ng hanapbuhay sa Capizeños. Maganda ang adhikain ito ni Castro kaya todo suporta ang LGUs sa mga programa nito. Sa katunayan halos lahat ng mga kabayanan ay may kanya-kanyang paghahanda upang maaliw ang mga turista sa tradisyon ng mga Capiznon.
Matitikman ang iba’t ibang putahe sa seaffods. Dito ninyo matitikman ang shell na Dwal, alimasag, scallops, alimango, sugpo, bangus at iba pa na talaga namang super sarap. Mula pa Abril 11, dagsa na ang mga turista. Ang kadalasang pinupuntahan sa Roxas City ay ang Baybay na kung saan hile-hilera ang mga restaurants at malilinis na beach resorts.
Ganunman, dapat pagtuunan ni Gov. Castro at Roxas City Mayor Ronnie Dadivas ang super mahal na presyo ng mga pagkain sa Baybay. Huwag pagsamantalahan ang mga dayuhan o bagong salta sa naturang lugar. Mantakin naman na tumataginting na P1,000 ang kilo ng lapu-lapu at iba pang lamandagat. Dapat magkaroon ng price control at magkaroon ng SRP ang mga pagkain sa Baybay upang mabawasan ang pananamantala ng mga negosyante.
Kung magpapatuloy ang pananamantala ng mga negosyante, papalpak ang programa ng LGUs na makaakit ng mga turista at investor. Kumilos ka Gov. Castro. Tuldukan mo ang pananamantala ng mga tusong negosyante sa Baybay. Abangan!