Ito ay kaso ng mag-asawang Berto at Lucy at may apat na anak, sina Lisa, Baby, Fred at Carrie. Dating nagtatrabaho si Berto sa ibang bansa, pero pagkaraan ng anim na taon bumalik na siya rito matapos malaman na may kalaguyo si Lucy. Pagbalik, nakapagtrabaho siya sa isang kompanya. Nilipat niya ang kanyang pamilya sa probinsiya kung saan nakatira ang magulang ni Lucy para maalagaan ang kanilang mga anak. Ang tirahan ay may isang kuwarto. Dito binibisita ni Berto ang kanyang pamilya.
Minsang bumisita si Berto sa pamilya, bigla niyang pinukpok ng martilyo si Lucy. Sumigaw ang anak niyang si Lisa ng “Tay” habang pinipigilan niya. Tinanung niya kung bakit ginawa ito. Sagot ni Berto nakakita siya ng tao sa banyo kasama si Lucy. Pumunta si Lisa sa banyo pero wala naman siyang nakitang tao.
Samantala, nagising ang anak na si Fred at nakita niya na hawak pa ni Berto ang martilyo. Inaasikaso naman kanyang mga kapatid na si Lisa at Baby ang kanilang nanay na duguan. Hinahawakan ni Fred ang kanyang tatay. Dinala si Lucy sa ospital ng kanilang mga kapitbahay. Dinala si Berto sa pulis. Kinabukasan, namatay na si Lucy.
Pagkaraan ng imbestigasyon, sinakdal na si Berto ng “parricide”. Nang dininig ang kaso tumestigo si Lisa kung paano niya nasaksihan ang pangyayari. Ang kanyang testimonya ay pinagtibay ng mga sugat na tinamo ng kanyang nanay. Tumestigo si Baby at Fred na nakita nila ang tatay na si Berto na hawak ang martilyo habang ang nanay nila na si Lucy ay nasa sahig at duguan ang ulo.
Depensa naman ni Berto, si Lucy raw ay may kalaguyo. Lumabas daw ng bahay si Lucy na tila may inaantay. Pagkaraan ay bumalik ito, naligo at inayos ang sarili. Nang tinanong daw niya si Lucy kung saan pupunta, sumagot daw ito na “wala kang pakialam”. At nang pumunta siya sa banyo, nakita raw niya na hinalikan ito ng isang lalaki, at sinasabi dito, na “huwag muna ngayon nandito pa siya” habang niyayakap siya ng lalaki at hinihimas ang dibdib at ibang parte ng katawan.
Kaya umabas daw siya na hawak ang martilyo at sinalakay ang lalaki. Ginamit daw nito si Lucy na panangga. Sinabi niya sa mga anak na dalhin ang nanay nila sa ospital at siya ay susuko sa pulis. Nang sinalakay daw niya ang lalaki tinamaan niya si Lucy.
Pero sinentensyahan pa rin siya na may sala at kulong na habambuhay kasama na ang mga danyos. Umapila siya sa Court of Appeals (CA) pero kinumpirma pa rin ang desisyong ito. Tama ba ang RTC at CA?
Tama, sabi ng Supreme Court. Tumestigo si Lisa na nakita niya ang kanyang ama na pinukpok ang ulo ng kanyang ina ng martilyo. Ang kanyang tapat at kapani-paniwalang kuwento tungkol sa pangyayari ay pruweba na sapat na upang hatulang maysala si Berto. Hindi natural na ang anak mismo ng akusado, na dapat ay depensahan ang kanyang tatay, ay paratangan pa ito bilang maysala.
Bukod dito, ang kanyang testimonya ay suportado pa ng ibang ebidensiya lalo na ng mga sugat na tinamo ni Lucy. Ang pagkakaiba ng testimonya ng mga magkakapatid ay hindi makakapinsala sa kredibilidad ng kanilang testimonya. Ito’y tungkol lang sa mga maliliit na detalye ng kanilang kuwento at hindi sa buod na pangyayari at ang kung sino ang salarin. Maysala si Berto at dapat parusahan ng reclusion perpetua (People vs. Brusola, G.R 210615, July 26, 2017).