Walang pumansin
WALANG pumansin sa panawagan nina dating Pres. Rodrigo Duterte at Davao del Norte Rep. Pantaleon Alvarez na ihiwalay ang Mindanao sa Pilipinas. Binatikos at pinagtawanan ng mga mambabatas at mayor ng iba’t ibang lugar sa Mindanao ang panawagan. Wala ring nangyari sa inilunsad na paglagda kung sang-ayon ang mga taga-Mindanao sa paghiwalay sa Pilipinas.
Ngayon, iba naman ang panawagan ni Alvarez. Sa ginanap na rally sa Tagum City noong Linggo, hinikayat niya ang AFP na bawiin ang suporta kay Pres. Bongbong Marcos Jr. Tila ang kanyang pahiwatig, ang mga ginagawang aksyon ng Pilipinas sa WPS ay ikinagagalit na ng China, tulad ng pagdala ng mga suplay sa BRP Sierra Madre para sa mga sundalong nakaistasyon doon. Nakita sa mga nakaraang insidente na winater cannon ang mga barkong nagdadala ng suplay.
Sa pag-iisip ni Alvarez, baka maging sapat na ito para magkaroon ng digmaan sa WPS kung saan maraming Pilipino ang mamamatay dahil hindi kaya ng AFP ang militar ng China. Ang gusto ba ni Alvarez ay hindi na dalhan ng suplay ang BRP Sierra Madre? Baka naman may katotohanan ang pahayag ng China na may nangakong tatanggalin ang Sierra Madre?
Pero hindi pinansin ng AFP ang panawagan ni Alvarez at nagpahayag na susuportahan nila ang Konstitusyon ng Pilipinas at susunod sa chain of command. Kaya walang mangyayari sa panawagan ni Alvarez. Pero hindi ito pinalampas ni National Security Adviser Eduardo Año. Sabi nito, ang panawagan ni Alvarez ay “iligal, hindi sang-ayon sa Konstitusyon at seditious”. Pero kung “seditious” ang panawagan ni Alvarez, bakit hindi pa siya hinuhuli.
Tama nga ang sinabi ni Marcos na ang kanyang relasyon sa mga Duterte ay “kumplikado”. Ilang insulto na ang ibinato ng angkan ni Duterte laban kay Marcos. Pero nilinaw ni Marcos na ang relasyon niya kay VP Sara ay maayos. Ang nais lang daw ni Sara ay magtrabaho at hindi pinapansin ang mga “ingay”. Dapat lang.
- Latest