Gumawa sana ang mga enhinyero natin ng “turtle ships”. Mainam itong pansangga sa pambubundol, pangle-lasergun at pagka-kanyon ng tubig ng China coastguards sa ating mga bangka.
Mapu-protektahan ng turtle ships ang resupply missions sa Marines sa BRP Sierra Madre sa Ayungin Shoal. Pamprotekta rin ito sa pamamahagi ng fisheries bureau ng pagkain at krudo sa mangingisda sa Panatag Shoal. At pamprotekta sa marine scientists na sumusuri sa pagwasak ng China sa mga bahura sa West Philippine Sea.
Pag-aralan ng shipbuilders ang disenyo ng Korea sa turtle ships. Napigilan ng turtle ships ang paglupig ng Japan sa Korea nu’ng digmaang 1592-1598. Turtle ships lang ang panlaban ng Korea nu’ng panahong ‘yon. Mahina ang kanilang army kumpara sa Japan.
Parang higanteng pawikan ang turtle ships. Ang haba ay 30-37 metro. May bilog na talukab, korteng simboryo. Gawa sa kahoy ang barko. Magaan, madaling i-maniobra ng piloto.
May maikling leeg at mataas na ulo ng dragon. Sa unang disenyo, may kanyon sa bunganga ng dragon. Panakot ito sa mapamahiing kalaban na naniniwalang totoong may dragon na bumubuga ng apoy. Bumubuga rin ng lason na usok ang ulo, depende sa hihip ng hangin.
May mga tulos na asero sa bubong – pangontra sa pagsampa ng mga kalaban. Palibot sa tagiliran ng simborio ay balwarte. Nakalitaw ang kanyon sa maliliit na butas. Maaring kumanyon, taas at baba, sa anumang direksyon.
Maaring lagyan ng kanyon, machineguns, laser guns, at watercannons ang balwarte ng turtle ships. Makukubli ng simboryo ang mga sakay na crew at supplies. Armasan din ng aerial at water drones. Lahat ‘yan maipagmamalaking gawa ng Pilipino.
* * *
Makinig sa Sapol, Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM).