Tuloy-tuloy ang laban kontra droga
Malaking problema sa napakaraming bansa at lungsod ang droga. Hindi naman kaila sa inyong lahat, na sa kabila ng kaunlaran at modernisasyon ng Makati, ay hindi tayo exempted sa ganitong suliranin.
Mahirap puksain ito, mas lalo na ang patuloy na distribusyon ng illegal na droga sa lungsod ng mga organisadong sindikato. Ngunit, simula pa noong una ay hindi naging pabaya ang aking administrasyon sa pag-e-effort na masupil ang salot na ito.
Sa puntong ito gusto ko namang bigyan ng komendasyon ang Makati Police Department para sa kanilang masipag at masigasig na kontribusyon sa kampanya laban sa droga. Sa unang quarter ng taong 2024 ay nasamsam nila ang halos P3.5-Million worth ng shabu.
Ayon sa ulat ni Makati Police Chief Col. Edward Cutiyog, may 510 gramo ng shabu ang narecover sa magkakahiwalay na operasyon sa Makati. Nagbunga rin ito ng pagkakaaresto ng 35 pushers at 132 indibidwal na gumagamit ng ipinagbabawal na gamot.
Sinabi ko sa ating Chief of Police na lalo pa nilang sipagan at gawing mas dibdiban ang pagtugis sa mga sindikato ng droga. Napakalaking pinsala ang idinudulot nito sa ating komunidad, lalo na sa mga kabataan. Maraming pamilya na ang nasira at mas maraming mga pangarap ang gumuho nang dahil sa adiksyon sa droga.
Bukod sa drug bust ay naitala rin ng Makati Police ang pag-aresto ng 83 wanted persons at pag-recover ng 33 loose firearms. Pagdating naman sa mga lumabag ng ordinansa ay mayroong nai-record na 23,941 apprehensions.
Patuloy nating hahasain at palalakasin ang ating kapulisan para mas maging handa sila sa paglaban sa masasamang elemento at pagpapanatili ng peace and order sa Makati. Bukod pa rito ay patuloy ding nagsasanay ang mga pulis para sa wastong proseso at protocol kapag may buy-bust operation para matagumpay na makasuhan at malitis ang mga may sala sa korte.
At para naman tulungan ang mga biktima na nalulong sa bisyo, meron din pong programa ang ating Makati Anti-Drug Abuse Council (MADAC). Ang mga interbensyon at rehabilitation programs ay nakakatulong na maayos na makabalik sa komunidad ang mga taong minsang naging adik sa droga.
* * *
Para sa patuloy na kaligtasan at kalusugan ng ating mga anak, magkakaroon ng catch up polio immunization ang Makati Health Department (MHD) sa mga batang may edad na 6 weeks hanggang 23 months at bivalent Oral Polio Vaccine synchronized immunization naman para sa mga batang 24 months hanggang 59 months.
Mag-iikot sa mga barangay ang mga kawani ng MHD simula April 15 hanggang May 15 upang magpatak ng bakuna laban sa polio.
Maaari ring dalhin ang mga batang wala pang 5 years old sa pinakamalapit na health center para mabakunahan.
- Latest