NAHULI ng National Bureau of Investigation (NBI) si Lioric Cervantes, 24, lider ng sindikatong gumagamit sa pangalan ng mga matataas na opisyal ng Bureau of Internal Revenue (BIR) at Securities and Exchange Commission (SEC).
Nadakma si Cervantes sa isang mall sa Baguio City habang tinatanggap ang P750,000 na multa sa isang opisyal ng pribadong kompanya sa La Union. Umabot na umano sa P4 milyon ang nakotong ni Cervantes sa nasabing opisyal.
Nahuli rin ang mga kasamahan ni Cervantes na si Kyle Tabayocyoc at drayber na si Cristopher Maala. Nakuha kay Tabayocyoc ang dalawang Glock 9mm pistols at maraming bala.
Ikinumpisal nina Cervantes, Tabayocyoc at Maala na sila ang nag-aayos ng mga may problema sa BIR at SEC at ang kapalit ay malaking halaga ng pera.
Ayon pa kina Cervantes, kilala nila ang SEC Commissioner, BIR Commissioner, BIR OIC Assistant Commissioner for Large Taxpayers Service, BIR Deputy Commissioner for Operations at BIR District 3-La Union.
Ayon sa La Union Revenue District Officer, ginagamit ng sindikato ang kanyang pangalan upang makapangotong.
Ngayong nahuli na ang tatlo, matitigil na marahil ang mga nagaganap na kotongan. Dapat mabulok sa kulungan ang tatlong ito para hindi pamarisan.
* * *
Para sa suhestiyon: art.dumlao@gmail.com