Kaso ito ni Ann na hindi makasundo ang kanyang nanay kaya lumayas siya. Tumira siya sa mga kaibigan sa iba’t ibang barangay hanggang nakilala niya si Danny. Tinanong ni Danny si Ann kung payag itong makipagtalik sa ibang tao ng may bayad. Dahil kailangan ng pera, pumayag si Ann.
Kinabukasan nakakita na si Danny ng parukyano na nagngangalang Cardo at pinakilala ito kay Ann. Sinakay na ni Cardo si Ann sa kanyang kotse. Tinanong ni Cardo ang edad ni Ann at sinabi ni Ann na 18-anyos na siya ayon sa payo ni Danny. Dumating sila sa isang bahay kung saan nakipagtalik na si Cardo kay Ann habang hinihimas nito ang iba’t ibang parte ng katawan ni Ann. Makalipas ang isang oras ibinalik na ni Cardo si Ann kay Danny at binayaran siya ng P2,000. Pinartehan ni Ann si Danny ng P600 at umalis na siya pagkatapos bumili ng pagkain.
Pagkaraan sinabi ni Ann sa nanay niya ang lahat nang nangyari. Kaya agad nagpunta ang nanay niya sa pulis kung saan pumirma si Ann at nanay niya ng apidabit. Kinabukasan ineksamin si Ann ng doctor sa ospital at nakakita ng mga sugat sa iba’t ibang parte ng kanyang ari.
Kaya inakusahan na si Danny ng child trafficking at child abuse ayon sa RA 9208 at RA 7610. Sa pagdinig ng kaso tumestigo si Ann at nilahad ang lahat ng kanyang naranasan. Tinanggi naman ni Danny ang nasabing krimen at sinabi sa korte na noong panahong iyon nasa lotto siya kasama ang asawa hanggang gabi. Pinagtibay ito ng tatlo pang testigong babae.
Pagdinig sa kaso hinatulan si Danny ng RTC na may sala ng mga krimen base sa tanging testimonya ni Ann na totoo, tiyak at malinaw. Ang testimonya niya ay pinagtibay pa ng doctor na sumuri sa kanya at nakakita ng mga sugat sa kanyang pag-aari kaya sinentensiyahan siya na makulong ng 20 taon at minultahan ng P1 milyon para sa krimeng kanyang nagawa. Kinumpirma ito ng Court of Appeals na pinagbayad pa siya ng anim na porsiyentong interes sa ginawad na danyos. Sabi ng CA na ang tanging testimonya ng biktima kahit hindi pinagtibay ng ibang testigo ay malinaw at tuwiran na sapat nang pruweba sa krimeng nagawa. Tama ba ang RTC at CA?
Tama, sabi ng SC. Talagang tama ang akusasyon sa kanya dahil 14-anyos pa lang si Ann nang ginawa ang krimen na pinatunayan ng kanyang birth certificate. Sinumang wala pang 18-anyos ay tinuturing pang bata. Ang bata ay ginagamit sa prostitution kung siya ay inabuso at ginamit sa pagtatalik upang kumita ng pera, o pinuwersa o inimpluwensiya ng nasa gulang na edad, sindikato o grupo kahit tila pumapayag ang bata sa ginagawa sa kanya o di nag rereklamo. Ang nasabing bata at di pa makakapagbigay ng totoo at tamang pagpayag dahil ang pagtatalik ay kailangan ng pagpayag ng isang taong alam na ang mga krimeng ito, na hindi kayang malaman ng isang menor de edad.
Para sa qualified trafficking, si Danny ay sesentensiyahan ng habambuhay na pagkabilanggo at multa ng P2 milyon pati na P00,000 danyos moral at P100,000 danyos na exemplary damages).
Para sa child abuse, ang sentensiya niya ay 14 at walong buwan sa kulungan hanggang 20 taon, pati na ang bayad pinsalang P50,000. Lahat nang danyos ay may interes ng 6 percent per-anum hanggang mabayaran ng buo (Brozoto vs. People, G.R 233420, April 28, 2021).