PINAAARESTO ng Senado si Apollo Quiboloy, “Appointed son of God” ng Kingdom of Jesus Christ sa Davao. Iniimbestigahan ang umano’y panggagahasa at pang-aalipin niya sa mga babaing menor-de-edad.
Kasabay nu’n pinalakol ng isang lalaki sa Manila ang lolang kapitbahay kasi kinulam daw siya. Dahil Arabic ang pangalan ng lalaki, sinabi agad ng pulis na Muslim ang suspek.
Tinuya ng mga dominanteng Kristiyano ang dalawang karakter. Kinulayan ng relihiyon ang mga paratang sa dalawa.
Sa kasaysayan marami ring pagmamalabis ang mayoryang Kristiyano sa Europe at America. Nung 1184 inatasan ni Pope Lucius III ang mga obispo na usisain ang mga erehe sa kani-kanilang episkopado. Itinuloy ito ng fourth Lateran Council nung 1215. Maraming pinaratangan ng paglabag sa mga utos ng Simbahan.
Nung una pinagpenitensiya lang ang mga suspetsadong erehe. Ibinigay sa korte ang mga ayaw magpenitensiya para ilatigo at ikulong.
Inotorisa ni Pope Innocent IV nu’ng 1252 ang torture sa mga umano’y erehe. Ayaw ng mga maraming pari manakit, kaya mga layko ang nambugbog.
Sunud-sunod ang mga Krusada laban sa Muslim nu’ng 1096-1291. Namuno sa ilan nu’n ang Knights Templars, nakaunipormeng puti na may malaking krus na pula sa dibdib at bandila. Sa huli binansagan din silang eretiko, binihag, sinaktan, at nilitis.
Pati sina Rizal, Bonifacio at Aguinaldo ay binansagang eretiko ng mga Kastila. Mga Mason daw sila na kontra-Katoliko.
Sa Salem, Massachusetts nung 1692-1693 nilitis ng Puritans ang mga umano’y bruha. Maraming pinaratangan ng pangkukulam. Dinaganan sila sa dibdib ng malalaking bato hanggang mamatay. ‘Yung iba sinunog. May pinatay sa paraang quartering: tinali ang mga kamay at paa sa apat na kabayo na pinatakbo sa iba’t ibang direksyon. Babae’t lalaki, bata’t matanda, mayaman at maralita ang mga biktima.