Nakahanap ng mga katapat

NASA U.S. si President Bongbong Marcos Jr. para sa makasaysayang summit kasama ang mga President ng U.S. at Japan. Ang pag-uusapan ay ang seguridad ng rehiyon, partikular ang West at South China Sea sa kabila ng pambu-bully ng China sa Pilipinas. Ang summit ay magaganap isang linggo matapos ginamitan muli ng China ng water cannon ang ating mga barko habang patungo sa Ayungin Shoal.

Nagkaroon na nga nang malaking joint maritime exercises sa nasabing karagatan kabilang ang mga hukbong karagatan ng U.S., Japan Australia at Pilipinas. Natural, hindi ito kinatuwaan ng China at sinisisi ang Pilipinas na pinalalaki ang tensyong nagaganap na sa karagatan.

Eh sino ba ang gumagamit ng water cannon? Sino ang humaharang ng barko at natatamaan pa? Sentido komon ang kailangan ng China pero mukhang wala sila nito.

Wala naman daw dapat ikabahala ang China sa naga­nap na exercise. Ang lahat ng ginagawa ay ayon sa interna­tional maritime law kung saan garantisado ang malayang paglayag, paglipad sa mga lugar na sakop ng international law.

Sa madaling salita, sa karagatan at himpapawid na hindi minamay-ari ng anumang bansa. Ang problema kasi sa pag-iisip ng China ay sa kanila ang buong karagatan at himpa­pawid sa South China Sea, na wala namang sumasang-ayon.

Ngayong may ganyang exercises sa karagatan ay tila hindi­ mapakali ang China. Nakahanap din sila ng mga ka­tapat. Mga katapat na malalakas din ang militar at hindi nila kayang basta-bastang hamunin o takutin.

Sa kabila ng paggamit na naman ng water cannon sa ating mga barko, nangako si President Marcos Jr. na may ipatutupad na mga hakbangin na proporsiyonal, at makatwiran. Hindi naman ipinaliwanag kung ano ang mga hakbanging iyon. Baka sa susunod na insidente na natin makita, kung meron na nga. Hindi naman naghahanap ng gulo ang Pili­pinas. Ipinagtatanggol lang natin ang atin.

Isa pang isyu na hindi pa malinaw ay ang sinasabing kasunduan nina Chinese President Xi Jinping at dating Pres. Rodrigo Duterte hinggil sa sitwasyon sa West Philip­pine Sea. Marami kaagad ang nagsabing labag ito sa mga karapatang karagatan at soberenya ng bansa.

Agad namang sinegunduhan ni Roque na “verbal” lang daw ang kasunduan at hindi naman dapat igalang din ng kasalukuyang administrasyon. Ano nga ang kasunduang iyan na hindi ikinatuwa ni President Marcos? Iyan ba ang sinasabi ng China na ipinangako raw na tatanggalin na ang BRP Sierra Madre sa kinalalagyan sa Ayungin Shoal? Bakit hindi ang China na ang magsiwalat ng kasunduang iyan kung meron nga?

Show comments