Lunas para maalis ang makapit na plema
Ang plema (mucus) ay may mahalagang ginagampanan sa pagtanggal ng mga hindi kanais-nais na bagay sa baga (lung). Para sa mga malusog na tao, ang lining sa daanan ng hangin sa baga ay may manipis na layer ng mucus na tinatawag na mucus blanket.
Ito ang pumipigil sa alikabok, bacteria, at iba pang particles na makasira sa baga. Ang mucus ng isang malusog na tao ay dahan-dahan umaakyat para mailabas ang plema.
Ngunit para sa mga taong malakas manigarilyo, at may sakit sa baga, ang ganitong paglilinis ng baga ay humihina. Dahil dito, ang mucus ay naiipon sa baga at nagiging madikit at madilaw. Ito ang nagiging dahilan para mahirapan huminga.
Narito ang mga tips para maalis ang makapit na plema:
1. Uminom ng 8-10 baso ng tubig kada araw para mabawasan ang madikit o makapit na plema at madali itong mailabas. Uminom ng mucolytic, gaya ng carbocisteine o ambroxol capsules. Ang mga gamot na ito ay maaaring makapagpabago sa plema.
2. Ang tamang pag-ubo ay nakaupo ng deretso at bahagyang pasulong. Habang umuubo, suportahan ito sa paglagay ng kamay sa tuhod o paglagay ng siko sa armrest. Sa kabilang banda, mahirap umobo kapag nakahiga.
3. Subukan ang paglanghap ng steam. Magpakulo ng dalawang tasa ng malinis na tubig at ilagay sa malaking bowl. Italukbong sa ulo ang tuwalya at saka langhapin ang usok. Ang isa pang puwedeng gawin ay buksan ang hot shower ng banyo at langhapin ang usok.
4. Subukan ang pagtapik sa likod o chest clapping. Gamit ang mga kamay, iporma ito ng patatsulok. Pagtapos ay marahang tapikin ang likod para maglikha ng marahang tunog. Tapikin ang itaas at gitnang bahagi ng likod para matulungan na lumuwag ang madikit na plema. Ang ganitong paraan ay mainam sa mga bata na mayroong pulmonya.
5. Para maprotektahan ang inyong likod sa pagkapuwersa, subukan ang marahang pag-ubo sa halip na isahang malakas na pag-ubo. Kung nakaramdam na ikaw ay babahin, subukan na kumapit sa upuan, mesa o dingding para masuportahan ang likod sa biglaang pag-ubo o pagbahin.
6. Matulog na gamit ang dalawang unan para hindi mag-ipon ng plema sa lalamunan at baga.
7. Magpatingin sa doktor para malaman ang pinagmulan ng ubo. Kung naninigarilyo, ito na ang oras para huminto sa paninigarilyo.
(Mula sa kolumnista: mahigpit na ipinagbabawal ang pagkopya, mapa-online, YouTube at iba pang channel ang artikulong ito.)
- Latest