EDITORYAL - E-bike hanggang Abril 15 na lang

Sa Abril 15, wala nang makikitang electric bicycles (e-bike) sa mga pangunahing lansangan sa Metro Manila. Nagbabala ang Metro Manila Development Authority na huhulihin at pagmumultahin ang mga lalabag. Ayon sa MMDA, pagmumultahin ng P2,500 ang lalabag sa batas at ii-impound ang e-bike. Kabilang din sa ipagbabawal ang e-trikes, pedicabs, pushcart, kuliglig at iba pang light electric vehicles.

Makikita ang kapangyarihan ng MMDA sa pagpapatupad ng batas na nagbabawal sa e-bike at iba pa na yumaot sa mga pangunahing kalsada. Dito malalaman kung hanggang saan ang kanilang tapang laban sa mga pasaway na may-ari ng e-bikes at iba pa.

Sa matagal na panahon, hindi napagbawalan ang mga pasaway na operator ng e-trikes at mga kuliglig sa mga kalsada ng Maynila partikular sa Roxas Boule­vard. Maraming yumayaot na kuliglig at e-trikes sa nasabing kalsada at nagdedeliber ng mga paninda mula sa Divisoria. Mapanganib sa mga motorista ang mga kuliglig na bigla na lamang sumusulpot. Nagsulputan din ngayon sa Roxas Blvd. ang e-bikes na gina­gamit panghatid-sundo sa mga estudyante. Gina­­gamit ding panghakot ng gulay at iba pa.

Masusubok ang tibay ng MMDA sa mga tinatawag ngayong “hari ng kalsada”. Maipakita sana ang talas ng ngipin para ganap na mawalis sa mga pangunahing kalsada. Ang mga electric vehicles ding ito ang pinagmumulan ng mga aksidente na nagdudulot sa pagkamatay ng mga biktima.

Noong Sabado, namatay ang isang 73-anyos na lola nang mabundol ng e-bike sa Malanday, Marikina City. Tumatawid sa kalsada si Luzviminda Bisarez nang mabangga ng e-bike na minamaneho ng 31-anyos na lalaki. Naaresto na ang suspek. Nagkaroon ng brain injury ang biktima dahil tumilapon ito at nabagok ang ulo. Nakunan ng CCTV ang pangyayari. Mabilis ang takbo ng e-bike nang maganap ang aksidente. Sinampahan ng reklamong Reckless Imprudence Resulting in Homicide ang driver ng e-bike.

Ayon sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB), may kabuuang 556 crash incidents na kinasasangkutan ng e-bike noong 2023. Pinakamarami ang nangyaring insidente sa Metro Manila. Bukod sa may mga namatay, may mga nasira ring ari-arian dahil sa pagbangga ng e-bike.

Hindi sana mag-ningas kugon ang MMDA sa pagpapatupad ng batas na nagbabawal sa e-bike. Kadalasang nangyayari na mahigpit ngayon pero makalipas lamang ang isang linggo, balik na naman sa dati. Nag­lipana na naman ang mga pasaway sa kalye. Kamay na bakal ang pairalin sa mga pasaway.

Show comments