Best of the best ang uupo sa mga puwesto sa PNP!—Marbil

Nakatutok ang 232,000 na kapulisan sa unang major revamp na ipatutupad ni PNP chief Gen. Rommel Francisco Marbil. Bakit? Kasi nga mga kosa, dumaan sa butas ng karayom si Marbil matapos niyang makamtan ang kanyang minimithing premyo. ‘Ika nga marami ang naninira sa kanya, lalo na ang kampo ng kanyang mga katunggali sa pagka-PNP chief. Mismooo!

Kung sabagay, hindi naman bago ang sistemang ‘yan dahil kalakaran na ‘yan kapag may nagretirong PNP chief, di ba mga kosa? Uso pa rin ang gapangan at gibaan. Dipugaaaaa! Kaya lang kahit anong paninira pa ang ibinato nila kay Marbil, nanaig ang kasabihang “guhit ng palad” o destiny. Tumpak! Get’s n’yo mga kosa? Hehehe! Kailangan pa bang i-memorize ‘yan?

At dahil ginigiba nga siya, natural lang na ang iniisip ng mga pulis sa Camp Crame ay sisibakin ni Marbil ang mga nasa likod nito. Alam naman niya kung sinu-sino sila. Sanamagan. Kaya lang, nauwi sa wala ang pag-aabang ng mga pulis dahil nagdeklara sa kanyang first press briefing si Marbil na may one-month moratorium ang major revamp. Eh di wow!

Nakahinga nang maluwag ang mga gumiba kay Marbil dahil mahaba pa ang panahon na ibinigay sa kanila para bumawi at manatili sa kani-kanilang posisyon. Sinabi naman ng kosa ko na malapit kay Marbil na pinatawad na nito ang mga gumiba sa kanya. Abayyyyy, hahangaan si Marbil sa desisyon na ‘yan dahil pinatunayan niya na Ama nga siya ng PNP. Mismooo!

Matatandaan na bago ang nakaiskedyul na pagretiro ni ex-PNP chief Gen. Bejnamin Acorda Jr., noong ­Disyembre 3, kumalat sa social media ang litrato ni Marbil na inaanunsiyong siya na ang bagong PNP chief. Siyempre, nagpadala si Dipuga ng mensahe na kino-congratulate siya. Kaya lang sumagot si Marbil na fake news ito at may gumigiba sa kanya.

Sinabi pa niya kung saan nag-originate ang fake news. Ang siste lang, pinalawig ni President Bongbong Marcos ang termino ni Acorda hanggang Marso 31. Hehehe! Hindi nawalis sa isipan ni Marbil ang insidenteng ito.

At nitong bago magkatapusan ng Marso, kumalat na si Marbil ang papalit kay Acorda kaya lang may nagtangka na naman na gibain siya. At ang ginamit na isyu ay ang pagiging “dilawan” ng kanyang asawa, base sa litratong nahalungkat sa social media. Araguyyyyy!

Hindi naman tumalab ang panibagong paninira na ito kay Marbil. Nakaligtaan ‘ata ng mga detractors ni Marbil ang isinisigaw ni BBM na “unity.” Di ba may “dilawan” naman sa gobyerno ni BBM? Ang sakit sa bangs nito.

Nang usisain patungkol sa major revamp, ang sagot ni Marbil ay, “I do not do that. Kasi kapag ginawa mo ang reshuffle na ‘yun, magiging unstable ang unit eh,” ani Marbil.

“Kung wala namang kasalanan ang mga pulis natin eh bakit i-reshuffle,” Aniya, “We will be coming up with a better parameter to be measured. Kung hindi mo kaya ito, then we will give you a chance to improve. Kung hindi mo talaga kaya, then we will get a better commander,” ang giit pa ni Marbil. Best of the best ang uupo sa mga puwesto sa PNP. Hehehe! Ambot sa kanding nga may bangs.

Kung nagkaroon man ng galawan sa PNP nitong nagdaang mga araw, ‘yan ay dahil pinupunuan ni Marbil ang mga bakanteng posisyon. Abangan!

Show comments