Isinilang sa Pilipinas, lumaki sa ibang bansa
Lumaki sa dalawang magkaibang bansa sina Rache Mahon at Espen Haugland. Humigit-kumulang na sa 36 anyos ang edad ni Rache na nagmamay-ari ngayon ng isang skin and beauty clinic sa Australia. Tatlo na ang anak nila ng asawa niyang si Clint Mahon.
Isa namang CEO sa sarili niyang kumpanya sa Norway si Espen na naging negosyante sa larangan ng teknolohiya at real estate roon.
Merong pagkakatulad sa pagkatao nina Rache at Espen. Kapwa sila isinilang sa Pilipinas pero lumaki sa ibang mga bansang pinagdalhan sa kanila ng mga dayuhang umampon sa kanila. At kahit naging masaya ang buhay nila mula pagkabata hanggang magkaedad, hindi nalingid sa kanila na merong dugong Pilipinong nananalaytay sa kanilang mga ugat. Pinangarap at plinano nilang makita ang tunay nilang mga magulang sa Pilipinas. Kakaiba ang unang pagtatagpo nina Rache at ng totoo niyang ina na isang Pilipina na si Nancy Loquinario. Hindi nila inasahan na sa Australia sila magkikita at magkakakilala pagkaraan ng 36 na taon. Napatampok sa Sydney Morning Herald noong Disyembre 2023 ang kuwento ng mag-ina.
Nagmula sa isang relihiyosong pamilya sa Maynila si Nancy na sa edad na 20 anyos habang nag-aaral sa isang pamantasan ay nabuntis nang maaga nang walang asawa noong taong 1987. Wala gaanong detalye hinggil dito maliban sa impormasyon na pinapili si Nancy ng kanyang tatay na ipaampon ang kanyang anak o magkunwari na ang bata ay aariin ng kanyang lolo at lola. Mas pinili ni Nancy na ipaampon si Rache kaysa mabuhay ito sa kasinungalingan.
Sabi ni Nancy, tumira siya sa isang kumbento sa Quezon City habang ipinagbubuntis niya si Rache. Gumamit siya rito ng alyas at para anya siyang preso na ang nakikita lang niya ay ang kanyang mga magulang. Nanganak siya sa isang ospital na ang paa lang ng anak niya ang una at huli niyang nakita bago ito inilayo ng isang nurse. Wasak na wasak ang kalooban niya pero hindi niya kalian man makakalimutan ang bata na lagi niyang ipinagdarasal.
Noong 1992, nagtu-ngo si Nancy sa Australia para makasama roon ng isa niyang kapatid. Tatlo ang anak niya sa una niyang asawa bago siya nagpakasal sa isang Dan Van Gastel.
Naging masaya at payapa ang buhay ni Rache sa piling ng mag-asawang titser na Australyano na sina Annabel Johnson at John Pearce sa Maidenn Gully sa Australia. Batid ni Rache na ang mga madre sa kumbento ang nag-areglo ng pagpapaampon sa kanya noong araw. Sa kanila niya nalaman kinalaunan na nakatira na si Nancy sa Adelaide sa Australia. Kasalukuyang nakatira si Rache sa Victoria sa naturang bansa.
At noong unang hati ng nakaraang taon, nagkita ang mag-ina. “Nanay” ang tawag ni Rache kay Nancy habang Mom at Dad pa rin ang tawag niya sa mga itinuring niyang magulang.Kasama niya ang mga ito at ang mga anak niya nang maganap ang unang madamdaming pagkikita nila ng tunay niyang ina. Nakilala rin niya ang mga kapatid niya sa ina.
Apat na beses na silang nagkita at nagkakausap sa pamamagitan ng internet, tatlo o apat na beses sa isang linggo.
Para kay Nancy pagkaraang magkita sila ni Rache, kumpleto na ang buhay niya. “Lagi akong nagpapasalamat sa Diyos.” Sabi naman ni Rache, “...lumawak ang pagmamahalan, lumawak ang pamilya. Nagdala ito ng marami pang pagmamahalan, kaligayahan sa lahat ng nasasangkot.”
Samantala, ayon sa isang ulat sa GMA, napatampok minsan sa show nitong “Kapuso Mo, Jessica Soho” ang buhay ni Espen na mula Norway ay lumipad patungo sa Pilipinas para hanapin ang tunay niyang ina. Lumaki siya sa Haugesund, Norway at naging maganda ang buhay niya sa piling ng mag-asawang Norwegian na umampon sa kanya. Nagtatrabaho sa oil industry and service ang kinilala niyang ama habang nasa gobyerno naman ang kinikilala niyang ina. Habang lumalaki siya, naging matapat ang mga ito sa kanya hinggil sa totoo niyang pagkatao.Gumagawa sila ng paraan para patuloy na magkaroon siya ng kuneksyon sa pinagmulan niyang bansa. Isang taong gulang pa lang siya nang kunin siya ng mga ito sa isang bahay-ampunan sa Albay rito sa Pilipinas para ampunin at dinala siya sa Europa.
Kahit matagumpay na ang buhay niya sa Norway, hinahanap-hanap pa rin niya ang tunay niyang ina. Nag-imbestiga siya. Natuklasan niyang Eufemia ang pangalan ng kanyang biological mother at siya ang panganay nitong anak at ang totoo naman niyang pangalan noong isilang siya sa Pilipinas ay Jerad Marquez Daria.
At noong nakaraang taon, unang nagkita sa isang simbahan sa Albay ang mag-ina. Kasama roon ni Espen ang kanyang nobya habang kasama ni Eufemia ang isa pa niyang anak na kapatid din ni Espen.
Nabatid na ipinaampon ni Eufemia si Espen nang isilang ito noong 1988 dahil sa kahirapan. Wala anya siyang magawa kundi ibigay sa isang ampunan ang bata. “Sabi ko, ‘anak, hindi sana puwede kaya lang hindi ko naman kaya ang buhay ko. Intindihin mo. ‘Pag may pag-iisip ka na, huwag kang magagalit sa akin,” sabi niya.
Humingi ng tawad si Eufemia kay Espen nang magkita sila. Sinabi naman ng huli na nauunawaan niya ang una at napatawad na niya ito. Kapwa nagpahayag ng kaligayahan ang dalawa sa kanilang pagkikita.
“Napakasuwerte ko. Masaya dahil nakita ko ang nanay at kapatid ko. Meron na kaming magandang relasyon pagkatapos nito. At sana magkasama pa kami lagi sa hinaharap,” sabi ni Espen na balak mag-apply ng dual citizenship at gamitin ang pangalan niyang Pilipino.
Email- [email protected]
- Latest