Ang prostate ay organ na kasinglaki ng castañas. Nakabalot ito sa labasan ng ihi ng lalaki. Karamihan ng lalaking edad 45 pataas ay nagkakaroon ng bahagyang paglaki ng prostate. Ito’y dala ng pagbabago sa hormones ng lalaki kapag umeedad.
Ang sintomas ng lumalaking prostate ay ang madalas na pag-ihi, at pakonti-konti ang labas. Humihina rin ang daloy ng ihi at parang hindi kumpleto ang iyong pag-ihi. Sa mga may edad, madalas silang gumising sa gabi para umihi.
Mga paraan para alagaan ang prostate:
1. Huwag pigilin ang ihi. Mahihirapan ang pantog at bato.
2. Uminom ng 8 basong tubig sa isang araw para manatiling malinaw ang iyong ihi.
3. Ugaliing kumain ng kamatis, ketchup, tomato sauce at spaghetti sauce. Mataas ito sa lycopene. Kailangan kumain ng 10 kutsarang spaghetti sauce bawat linggo.
4. Uminom ng green tea (decaffeinated) sa halip na kape. Panlaban sa kanser ang green tea at nagtatanggal ng toxin sa katawan.
5. Kumain ng pagkaing mataas sa fiber tulad ng gulay at prutas.
6. Kumain ng isda kaysa karne.
7. Umiwas sa matataba at matatamis. Iwas sa softdrinks, iced tea at cakes.
8. Umiwas sa alak at kape. Nakaiirita ito ng prostate.
Natural na lunas sa prostate:
1. Saw Palmetto – Ayon sa Journal of the American Medical Association (JAMA), ang pag-inom ng saw palmetto ay nakababawas sa sintomas ng lumalaking prostate. Ang saw palmetto ay napatunayang kasing-epektibo ng gamot na finasteride (brand name Proscar) na nirereseta ng doktor.
2. May tulong din ang mga natural remedies tulad ng pygeum, nettle root at pumpkin seed oil para sa prostate. Uminom din ng multivitamin na may zinc.
Medikal na gamutan sa prostate:
Kumunsulta muna sa isang urologist bago uminom ng mga gamot na ito.
1. Terazosin (brand name Hytrin) – Mabilis ang epekto ng Hytrin na pagandahin ang daloy ng iyong ihi. Halos 1 o 2 araw lang ay may pagbabago na.
2. Finasteride (Proscar) o Dutasteride (Avodart) – Binibigay ito sa mga pasyenteng malaki na talaga ang prostate. Kailangan ito inumin ng ilang buwan bago mapaliit ang prostate.