WALANG dahilan para mag-panic ang QCitizens kahit pa nagdeklara na ang pamahalaang lungsod ng pertussis outbreak.
Ano nga ba itong pertussis? Kilala rin bilang “whooping cough”, ito’y nakukuha sa bacterium na Bordetella pertussis, na humahantong sa nakahahawang respiratory infection.
Maaari itong makahawa sa pamamagitan ng person-to-person respiratory droplets, kapag nagka-contact sa airborne droplets, o kapag na-expose sa kontaminadong damit, utensils, kasangkapan at iba pa.
Kadalasan, ang pertussis ay nagsisimula bilang isang karaniwang sipon na sinusundan ng ubo na palala nang palala sa loob ng isa hanggang dalawang linggo.
Sa huling bilang ng City Health Department-Epidemiology and Disease Surveillance Division, nasa 30 na ang kaso ng pertussis sa lungsod mula Enero 1 hanggang Marso 27, 2024.
Nagdeklara tayo ng pertussis outbreak noong Marso 20 nang pumalo ang bilang ng kaso sa 23, kabilang ang pagkasawi ng apat na bata.
Ngunit hindi ito dapat maging dahilan ng pagkatakot ng QCitizens dahil ang tanging layunin ng deklarasyong ito ay matiyak na kontrolado natin ang sitwasyon.
Bahagi ng deklarasyong ito pagpapakilos ng lahat ng asset ng pamahalaang lungsod para mapigil ang pagkalat ng sakit, kabilang na ang pagbili ng kailangang bakuna para mapanatiling ligtas ang mga bata sa ating lungsod.
Para mapigil ang nakamamatay na epekto ng pertussis, ibinibigay ang Pentavalent vaccine nang libre para sa mga sanggol at mga bata na edad anim na linggo pataas.
Pinatindi na rin ng City Health Department, City Disaster Risk Reduction and Management Council, at iba pang kaukulang tanggapan ng siyudad ang information drive nito ukol sa pertussis sa mga District Health Office at health centers.
Inatasan naman natin ang Epidemiology and Disease Surveillance Division na magbigay ng prophylaxis sa mga posibleng kaso sa mga lugar na napaulat na may pertussis, pati na ang isolation at pagbibigay ng karampatang gamot sa mga pasyente.
Nananawagan tayo sa QCitizens na nakararanas ng mga sintomas ng pertussis na agad magtungo sa ating health centers para mabigyan ng karampatang atensiyong medikal.