MADALING sabihin, mahirap gawin. Pero sa ganang aking dapat nang putulin ng Pilipinas ang relasyon diplomatiko sa China. Pauwiin sa China ang ambassador nito at ideklarang persona non grata.
Hindi madaling gawin dahil marami tayong diplomatic commitment sa kalakalan, ilakip pa ang ating utang na ‘di pa nababayaran. At kung tuluyan tayong giyerahin ng China, makasiseguro ba tayong sasaklolo ang U.S. at ibang kaalyado bansa?
Baka ang tanging tulong na ibibigay ng U.S. ay mga sandata at iba pang gamit pandigma at bahala na tayong lumaban. Ganyan ang ginawa ng U.S. sa Ukraine na ginigiyera ng Russia.
Ngunit sa sukdulan nang pandarahas at panggigipit ng bansang ito sa paggamit natin ng West Philippine Sea sa kabila ng pinanghahawakan nating dokumento na ito’y bahagi ng ating exclusive economic zone wala na tayong nakikitang diplomasya. Hindi na tayo itinuturing na kaalyado kundi kaaway na mortal.
Lalong tumindi ang ginagawang pagharang ng Chinese Coast Guard sa ating mga barko na maghahatid ng supply sa nakadeploy na barkong BRP Sierra Madre sa Ayungin Shoal na kanilang inaangkin.
Maraming bansa ang kumukondena sa ginagawang ito ng China. China lang ang naniniwala sa sarili nilang pangangamkam ng ating territorial waters. Ito’y kahit may pinanghahawakan tayong ruling ng arbitral court ng UN na sa atin ang buong karapatan sa naturang bahagi ng karagatan.
Diyos lang talaga ang makasasaklolo sa atin. Lubhang busy na ang ibang bansa sa pagresolba sa kani-kanilang problema para magkapanahong tulungan tayo.