Sino ang hindi makakakilala sa vlogger na si Maharlika o Claire Contreras sa tunay na buhay? Siya’y dating kakampi ni Presidente Bongbong Marcos noong panahon ng kampanya, na ngayo’y maangas at mataray na niyang kritiko?
Si Maharlika ay idinemanda ng $2 milyong libel suit ng isang sikat na fashion designer na si Puey Quiñones. Sina Maharlika at Quiñones ay kapwa mga Pilipinong nakabase sa United States.
Binanatan kasi ni Maharlika si Quiñones na kasabwat ni First Lady Lisa Araneta Marcos sa “pambubudol” sa pamahalaan. Sabi ni Maharlika, si Quiñones ang kinontrata upang gawin ang mga damit ng mga opisyal ng gobyerno at nagpapatong sila ng dambuhalang tubo.
Halimbawa, hahango ng mga damit sa Divisoria sa halagang P2,000, lalagyan ng etiketa ni Quiñones at ipapasa sa presyong P100,000 na pamahalaan ang nagbabayad. Dahil dito’y naapektuhan nang malubha ang kabuhayan ni Quiñones kaya nagdemanda ng cyber libel.
Hindi criminal offense sa U.S. ang libel kundi isa lamang civil case. Kaya walang magiging Criminal liability si Maharlika kundi maaari lamang patawan ng moral damages at ang hinihingi nga ni Quiñones ay halagang $2 milyon. Ngunit ang halagang iyan ay parang katumbas na rin ng life sentence maliban na lang siguro kung may financier si Maharlika na sasagot sa kanya.
Hay, pulitika! Bakit nga ba ang kakampi mo at kaibigan ngayon ay nagiging mortal na kaaway sa isang iglap? Sabi nga ng lumang kasabihan “politics makes strange bedfellows.”