Marami pa ang walang nakaaalam sa Republic Act 8455 (Animal Welfare Act of 1988 na inamyendahan ng Republic Act 10631. Mahigpit na ipinagbabawal ang pananakit, pag-torture at ang pagpatay sa aso. Sa kabila na may batas, patuloy pa rin ang pagkatay sa mga aso at ginagawang pulutan. Hanggang sa kasalukuyan, marami pa rin ang nahuhuli habang ibinibiyahe ang mga aso na nakakarga sa dyipni patungong Baguio. Kakatayin doon ang mga aso para pulutan. Nahaharap sa pagmumulta at pagkakulong ng ilang taon ang mapapatunayang lumabag sa RA 8455 at RA 10631.
Noong nakaraang taon, isang security guard na naghagis ng tuta mula sa footbridge sa Quezon City ang sinibak sa trabaho at nahaharap sa criminal charges. Nakunan ng video ang paghahagis niya sa tuta. Nakilala ang sekyu na si Jojo Malicdem. Nag-viral sa social media ang video. Ang tuta ay pag-aari ng mga bata na namamalimos sa footbridge. Pinaaalis ni Malicdem ang mga bata sa footbridge at ang binalingan niya ay ang tuta na walang awang inihagis. Patay ang tuta.
Noong Sabado, isang Golden Retriever ang pinatay ng isang lalaki sa Bato. Camarines Sur. Ang aso na pinangalanang Killua ay nakawala sa may-ari nito. Nakalabas sa gate. Makikita sa video na hinahabol ni Anthony Solares si Killua at pinaghahampas. Hanggang sa matagpuan na nakasilid na sa sako ang aso. Patay na ito. Inamin ni Solares na siya ang pumatay sa aso. Kaya lang daw niya iyon nagawa ay para protektahan ang mga taong mapeperwisyo ng aso. Dalawa na raw ang nakagat. Kung hindi raw niya tinulungan ay baka ano pa ang nangyari. Ginawa lang daw niya ang nararapat.
Sabi naman ni Vina Rachelle, amo ni Killua, malinaw sa CCTV footage na si Solares ang humahabol at umaatake sa kanyang aso. Hindi rin siya naniniwalang may kakayahan si Killua na mangagat. Mabait na aso raw si Killua.
Nahaharap si Solares sa paglabag sa batas at maaring maparusahan. Marami naman ang kumondena sa ginawa niya. Hindi niya dapat pinatay ang aso. Maraming dumugo ang puso sa ginawa ni Solares kay Killua.
Nararapat pang palaganapin at ipaunawa sa lahat ang batas ukol sa kapakanan ng mga hayop. Sinabi ni Sen. Grace Poe na dapat pagtibayin ang isinusulong niyang batas ang Revised Animal Welfare Act. Nasa ilalim ng panukalang batas ang pagsasama sa kurikulum sa elementarya at high school para mapalaganap ang pagmamahal at pagprotekta sa mga hayop.
Marami ang walang kamuwangan sa batas sa tamang pag-aalaga at pagprotekta sa mga hayop. Ang inihahaing batas ni Poe ay dapat maisakatuparan. Iligtas sa pagmamalupit ang mga hayop. Ilayo sila sa mga walang puso.