^

PSN Opinyon

EDITORYAL - ‘Mamamatay-aso’

Pilipino Star Ngayon
EDITORYAL - ‘Mamamatay-aso’

Marami pa ang walang nakaaalam sa Republic Act 8455 (Animal Welfare Act of 1988 na inam­yendahan ng Republic Act 10631. Mahigpit na ipinagbabawal ang pananakit, pag-torture at ang pagpatay sa aso. Sa kabila na may batas, patuloy pa rin ang pag­katay sa mga aso at ginagawang pulutan. Hanggang sa kasalukuyan, marami pa rin ang nahuhuli habang ibinibiyahe ang mga aso na nakakarga sa dyipni patu­ngong Baguio. Kakatayin doon ang mga aso para pulutan. Nahaharap sa pagmumulta at pagkakulong ng ilang taon ang mapapatunayang lumabag sa RA 8455 at RA 10631.

Noong nakaraang taon, isang security guard na naghagis ng tuta mula sa footbridge sa Quezon City ang sinibak sa trabaho at nahaharap sa criminal char­ges. Nakunan ng video ang paghahagis niya sa tuta. Naki­lala ang sekyu na si Jojo Malicdem. Nag-viral sa social media ang video. Ang tuta ay pag-aari ng mga bata na namamalimos sa footbridge. Pinaaalis ni Malicdem ang mga bata sa footbridge at ang binalingan niya ay ang tuta na walang awang inihagis. Patay ang tuta.

Noong Sabado, isang Golden Retriever ang pinatay ng isang lalaki sa Bato. Camarines Sur. Ang aso na pina­ngalanang Killua ay nakawala sa may-ari nito. Nakalabas sa gate. Makikita sa video na hinahabol ni Anthony Solares si Killua at pinaghahampas. Hanggang sa ma­tagpuan na nakasilid na sa sako ang aso. Patay na ito. Inamin ni Solares na siya ang pumatay sa aso. Kaya lang daw niya iyon nagawa ay para protektahan ang mga taong mapeperwisyo ng aso. Dalawa na raw ang nakagat. Kung hindi raw niya tinulungan ay baka ano pa ang nangyari. Ginawa lang daw niya ang nararapat.

Sabi naman ni Vina Rachelle, amo ni Killua, mali­naw sa CCTV footage na si Solares ang humahabol at umaatake sa kanyang aso. Hindi rin siya naniniwalang may kakayahan si Killua na mangagat. Mabait na aso raw si Killua.

Nahaharap si Solares sa paglabag sa batas at ma­aring maparusahan. Marami naman ang kumondena sa ginawa niya. Hindi niya dapat pinatay ang aso. Mara­ming dumugo ang puso sa ginawa ni Solares kay Killua.

Nararapat pang palaganapin at ipaunawa sa lahat ang batas ukol sa kapakanan ng mga hayop. Sinabi ni Sen. Grace Poe na dapat pagtibayin ang isinusulong niyang batas ang Revised Animal Welfare Act. Nasa ilalim ng panukalang batas ang pagsasama sa kurikulum sa elementarya at high school para mapalaganap ang pagmamahal at pagprotekta sa mga hayop.

Marami ang walang kamuwangan sa batas sa tamang­ pag-aalaga at pagprotekta sa mga hayop. Ang ini­ha­haing batas ni Poe ay dapat maisakatuparan. Iligtas sa pagmamalupit ang mga hayop. Ilayo sila sa mga walang puso.

ANIMAL WELFARE

Philstar
  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with