Sari-sariling basura, hindi inaasikaso
Lahat gumagawa ng basura. Lahat ayaw itong ayusin.
Dalawampu’t tatlong taon na mula nung ipinasa ang Solid Waste Management Act. Hindi pa rin tumutupad karamihan ng 114 milyong Pilipino, 42,029 barangay, 1,485 munisipalidad, at 149 lungsod.
Takda ng RA 9003 paghiwa-hiwalayin ang apat na uri ng basura:
- Nabubulok (biodegradable) – pinagtalupan sa kusina, sobrang pagkain, buhok, kuko, alikabok, at anu pa mang likha ng Diyos;
- Muling magagamit (recyclable) – garapon, kahon, papel, plastic, kahoy, bakal, muwebles, at iba pang maaring ibenta;
- Tira-tira (residual) – kontaminadong lupa, ceramics, gypsum board, linoleum, goma, gulong, tela, bote, electronics;
- Espesyal o mapanganib (hazardous) – gas, asido, kemikal na panglinis ng banyo o kotse, langis, break fluid, coolant, pintura, bombilya, fluorescent lamp, baterya, at iba pa.
Utos ng batas na turuan ng opisyales ng barangay lahat ng bahayan na maghiwa-hiwalay ng basura. Kukunin dapat ito ng barangay. Dadalhin sa sarili nitong materials recovery facility.
Sa MRF Iko-compost ang nabubulok – ibabaon nang 45-60 araw para gawing pataba sa tanim. Ibebenta ang magagamit, dagdag pondo ng barangay. (Maari direktang magbenta ang maybahay.)
Tungkulin ng munisipalidad at lungsod kunin ang tira-tira at mapanganib na basura. Ibabaon ito sa malinis at inaasikasong landfill.
Pero kokonti lang ang gumagawa nito: Trece Martires City; ilang barangay sa Quezon City, Malabon, Navotas, at Pasig; at manakang-nakang pook sa Pampanga, Davao, Cagayan de Oro.
Hagupitin dapat ng Department of Interior and Local Government, at ng mga lungsod at munisipalidad na kumilos ang mga barangay.
* * *
Makinig sa Sapol, Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM).
- Latest