Narito ang mga posibleng dahilan ng pananakit ng tiyan:
1. Ulcer – Kapag ang pananakit ay nasa itaas ng tiyan o nasa gitna o bandang kaliwa, posibleng ulcer o hyperacidity ang sakit. Ang sakit na ito ay kadalasang nararamdaman kapag gutom. Nababawasan ang sakit kapag kumain ng saging o tinapay. Uminom din nang maraming tubig para mahugasan ang asido sa tiyan.
2. Gallbladder stones – Kapag ang sakit ay nasa itaas ng tiyan at nasa kanan, posibleng may bato sa apdo. Minsan ang sakit ay tumutugon sa bandang likod. Dumarating din ang sakit kapag nakakain ng mamantika at matatabang pagkain. Magpa-ultrasound ng tiyan para malaman kung may bato sa apdo o wala.
3. Appendicitis –Ang sakit na appendicitis ay nag-uumpisa sa may sikmura at pagkaraan ng 2-3 araw ay lumilipat sa kanang bahagi. Masakit ang lugar na ito kapag dinidiinan. Kumunsulta agad iyong sa doktor.
4. Colic – Kapag paikut-ikot ang sakit at walang permanenteng lugar, ito ay marahil sa paghilab ng bituka. Ang tawag dito ay colic at hindi naman delikado. Maaaring nakakain nang maruming pagkain at magtatae lang.
5. Gastroenteritis – Kung mahilab ang tiyan at nagtatae, ito ay malamang dahil sa gastroenteritis o impeksyon na nakuha sa panis o maruming pagkain. Uminom nang maraming likido (tubig, sopas o lugaw) at kumain ng saging.
6. Amebiasis – Kapag madalas dumumi at may bahid ito ng sipon at dugo, posibleng amebiasis ito. Magpasuri ng dumi (fecalysis) sa laboratory.
7. Kidney infection o stones – Kapag nasa may puson ang sumasakit at mahapdi ang iyong pag-ihi, posibleng may impeksyon sa ihi o may bato sa bato (kidney stones). Magpa-check ng urinalysis para malaman ang sakit.
8. Sakit sa matris o obaryo – Kapag sa may puson ang sumasakit, posibleng nasa obaryo at matris ang problema. Puwede itong dysmennorhea (sakit kapag malapit na ang regla), ovarian cyst (bukol sa obaryo) o myoma.
Tandaan: Huwag matakot kumunsulta sa doktor para malaman ang dahilan ng pananakit ng tiyan. Malulunasan ito.