EDITORYAL - Sinira ng gahaman ang Chocolate Hills

Maraming nilabag sa pagtatayo ng resorts sa paanan ng Chocolate Hills. Hindi lamang ang Department of Environment and Natural Resources (DENR) ang dapat imbestigahan kundi pati ang local government na nagbigay ng permit para maitayo ito. Malaki ang pananagutan ng DENR at LGUs. Ito ay lantarang pagsira sa isang protected area na dineklara ng United Nations Educational, Scientific and Cultural Organizations (UNESCO). Kapag hindi naipasara o naipatigil ang operasyon ng resort, maaaring bawiin ng UNESCO ang pagkakadeklara na ito ay protected area. Kahiya-hiya ang bansa kapag nangyari ito. Sirang-sira ang bansa sa paningin ng mga turista’t dayuhan dahil sa pagkagahaman ng mga taong nagtayo ng resort.
Noong 1997, iniisyu ni dating President Fidel V. Ramos ang Presidential Decree No. 1037 na nagdedeklara sa Chocolate Hills sa mga bayan ng Carmen, Bilar, Batuan, Sagbayan, Sierra Bullones at Valencia na mga Natural na Monumento at sinisiguro ang protection para sa mga ito.
Maliwanag sa PD 1037 na puprotektahan ang Chocolate Hills sa mga nabanggit na bayan at walang sinuman ang papayagang sumira sa mga ito. Protektado ng kautusan kaya mananagot ang mga gagawa ng katampalasanan sa mga itinuturing na Natural na Monumento.
Pero nangyari na ang pagsira. Isang resort ang tinayo sa paanan ng dalawang Chocolate Hills sa bayan ng Sagbayan. Nilagyan ng cottages at malaking swimming pool. May bahagi pa ng Chocolate Hills na tila inuka para mailagay ang mga slides at iba pang-akit sa mga turista.
Sinimulan umanong gawin ang Captain’s Peak Resort noong 2020. Nakakuha umano ito ng permit sa local government. Nagpatuloy na maipatayo kahit nasa kasagsagan ang COVID-19 at natapos noong nakaraang taon. Binuksan umano ito sa publiko noong Agosto 2023.
Nanghimasok na ang Senado sa kontrobersiyal na resort at mag-iimbestiga na sa pamumuno ni Sen. Nancy Binay. Ayon kay Binay nakakagalit at nakakadurog ng puso na may makitang resorts sa lugar na dapat ay pinoproteksiyunan ng gobyerno. Sa unang tingin pa lamang daw ay alam nang may mali.
Ayon sa report, inendorso pa raw ng Protected Area Management Board (PAMB) noong 2022 at 2023 ang development ng Captain’s Peak Resort. Ibig sabihin, sa halip na pagbawalan ang pagtatayo, ay pinagparangalan pa ang resort. Magkano kaya ang pag-eendorso?
Maling-mali talaga ang ginawang ito sa Chocolate Hills. Ang pagkilos ng Senado ay nararapat at hindi dapat mawalan ng saysay. Panagutin ang mga nasa likod nang pagsira sa Chocolate Hills.
- Latest