EDITORYAL — E-bikes at iba pang katulad bawal na sa national roads

Isang buwan mula ngayon, bawal nang dumaan sa national roads ang e-bikes, e-trikes, at tricycles sa National Capital Region (NCR). Ayon sa Metropolitan Manila Development Authority (MMDA), pinal na ang pagpapatupad sa Abril 15 at ang mga lalabag ay papatawan ng multang P2,500. Ang mga e-vehicle na walang lisensiya ang drayber ay kani­lang ii-impound.

Sabi ni MMDA chairman Romando Artes, nagkaroon umano ng pagpupulong sa pagitan ng stakeholders at naliwanagan naman ang mga ito na ang ipatutupad nila ay hindi total ban. Sinabi ni Artes na hindi naman pagbabawalan ang mga nasabing e-ve­hicles na lumabas ngunit hindi sila maaaring dumaan sa national roads. Maaari umanong mag-cross o tumawid ang mga ito pero hindi maaaring bumaybay. Magtatalaga umano ng traffic enforcers para magbantay sa mga national roads na hindi maaring daanan ng e-bikes, e-trikes, tricycles at iba pa.

Sana ay maipatupad ng MMDA ang kautusan at nang ganap nang mawalis sa national roads ang e-bikes at iba pang e-vehicles na pinag-uugatan ng aksidente.

Noong nakaraang taon, nakapagtala ng 436 na aksidente dahil sa e-bikes at apat ang namatay. Nasa 436 naman ang nasugatan. May mga nahuli rin na pumasok o gumamit ng Skyway. Karaniwang mga menor-de-edad ang nasasangkot sa aksidente.

Ngayong 2024, nakapagtala na ng 500 aksidente. Karamihan ay nababangga sapagkat pumapasok sa mga malalaking kalsada at nakikipag-unahan sa mga malalaking sasakyan.

Ginagamit na rin ang e-bikes sa paghahanapbuhay gaya nang pag-transport ng gulay, paninda, tubig at ginagamit na service sa school. Ginagamit din sa pagdeliver ng produkto on line.

Tiyak na maraming lalabag kahit na nagtakda ng araw na bawal na ang e-bikes at iba pa. Pilit na daraan sa national roads kahit bawal na. Ang mahusay na pag­papatupad ng MMDA ang inaasahan sa usaping ito.

Hindi sana ningas kogon sa pagpapatupad para maiwasan ang malalagim na aksidente sa kalsada.

Show comments