PATUNGKOL man sa kababaihan ang National Women’s Month, naniniwala akong mahalaga pa rin ang gagampanang papel ng kalalakihan para maging makabuluhan, mabunga at matagumpay ang pagdiriwang na ito.
Sa laban natin kontra Violence Against Women (VAW), importanteng makuha natin ang commitment ng kalalakihan para matiyak na ang giyera natin laban sa kalupitan at karahasan ay magtatagumpay.
Ito ang dahilan kung bakit binuhay natin noong 2022 ang Men Opposed to Violence Everywhere (MOVE) movement, isang kilusan na layong burahin ang lahat ng uri ng diskriminasyon, karahasan, at pang-aabuso laban sa mga babae sa ating lungsod.
Natutuwa tayo na nasa 11,000 lalaking QCitizens ang nangakong tutulong sa ating kampanya kontra VAW.
Tampok sa ating flag-raising ceremony nitong Lunes ang pag-anib sa MOVE at panunumpa ng nasa 4,000 lalaking empleyado ng QC Hall.
Bago rito, nasa 7,000 tauhan naman ng Quezon City Police District, QC Fire District, Bureau of Jail Management and Penology, Civil Society Organizations, at mga volunteer ang sumali sa MOVE sa isang seremonyang ginawa sa Camp Karingal na sinaksihan din ni QC MOVE honorary Chair at Vice Mayor Gian Sotto.
Kabilang sa mga tungkulin nila ang pagbubukas ng kamalayan ng kapwa kalalakihan tungkol sa mga ugat at masamang epekto ng karahasan sa mga kababaihan sa pamamagitan ng edukasyon.
Sila rin ang unang tututol at kokontra sa mga baluktot na pananaw at pag-uugaling nagpapalaganap ng karahasan sa kababaihan.
Inaasahan din na magiging aktibo sila sa pagsasalita kapag nakakakita ng pang-aapi sa kababaihan, kabilang na rito ang pag-aalok ng suporta sa biktima at tumulong para managot ang mga nagkasala.
Panghuli, maari din nilang ikonekta ang mga biktima sa mga nararapat na serbisyo at pagkukunan ng tulong, katulad ng QC Protection Center, at pagbuo ng mga polisiya at programa na tumutugon sa suliranin ng karahasan sa kababaihan.
Sa laban kontra VAW, alam ko na marami tayong kakaharaping mga hamon, ngunit sa sama-samang pagkilos ng lahat ng QCitizens, tiwala ako na matutuldukan natin ang karahasan sa mga kababaihan at makakapagbuo tayo ng lipunan na pantay ang trato sa lahat ng kasarian.