Good news uli ito mula sa PhilHealth. Kamakailan ay tinaasan ang benepisyo ng mga miyembro sa high-risk pneumonia.
Ang moderate at high-risk pneumonia ay dalawa sa mga nangungunang most claimed benefits sa PhilHealth noong nakaraang taon, 2023. Nagbayad ang ahensya ng P7.1 billion sa mahigit 479,000 claims. Maraming kabataan at matatanda ang dinapuan ng sakit na ito.
Kaya nga ang benefit package ay itinaas upang makatugon sa tumataas na halaga ng paggamot at pangangalaga sa mga may ganitong karamdaman. Mula sa dating P32,000, ang package ay itinaas sa P90,100. Halos 200 percent pagtaas iyan! Lahat ng mga Pinoy na naospital dahil sa high-risk pneumonia ay mabebenepisyuhan basta’t sinerbisyuhan ng mga PhilHealth-accredited health facilities (pampamahalaan o pribadong ospital) saan mang panig ng bansa.
Sakop ng No Balance Billing ang gamutan ng pasyente kung siya ay na-confine sa ward ng private o public hospital. Ibig sabihin, wala nang babayaran ang pasyente dahil nasagot na ng PhilHealth ang kabuuang gastos para sa confinement.
Sa taong ito, makaaasa tayo sa mas pinaraming pakinabang at benepisyo mula sa PhilHealth bukod sa mga ipinatupad na simula 2023 at ngayong taon. Ito’y sa ilalim ng kampanyang Pinalawak at mga Bagong Benepisyo para sa Mamamayang Pilipino na layuning iparating sa milyun-milyong Pilipino ang mga bago at pinalawak na benepisyo.
Ilan na sa mga naunang pagpapalawak ay ang pagdadagdag ng coverage para sa hemodialysis session, pagkakaroon ng outpatient mental health benefit package, pagtaas ng benepisyo ng ischemic at hemorrhagic stroke at maraming pang iba.