PANGKARANIWAN sa isang tao na magkaroon ng tatlong beses na paglalagnat bawat taon. Kadalasan ay trangkaso, sipon, o ubo ang dahilan.
Ang lagnat ay isang pamamaraan ng katawan para labanan ang impeksiyon. Kapag may lagnat, pumupunta ang dugo mula sa ating balat at papasok sa mga organo ng katawan. Dahil dito, mas napupuksa ang mga impeksiyon.
Kung may lagnat, ito ang dapat gawin:
1. Siguraduhin na may lagnat talaga. Nagbabago ang temperature natin depende sa ating gawain. Kung tayo’y bagong ehersisyo, puwedeng tumaas ang temperature natin. Kapag mainit ang panahon at lalo na sa hapon, mas mataas din ang ating temperature. Ang tunay na may lagnat ay ang temperature na lampas 37.8 degrees Centigrade.
2. Kung walang thermometer, puwedeng gamitin ang balat sa likod ng ating kamay at ipatong sa noo o leeg ng pasyente. Mas sensitibo itong parte ng kamay (sa may kamao pababa sa mga daliri) kumpara sa ating palad.
3. Uminom ng 8-12 basong tubig o likido sa isang araw. Pinakamaganda ang tubig lang, ngunit puwede ring uminom ng fruit juice. Ang pag-inom ng tubig ay nakapagpapababa ng lagnat dahil inilalabas nito ang init ng katawan sa pamamagitan ng pag-ihi.
4. Punasan ng basang tuwalya ang katawan. Ang pagpupunas sa maiinit na parte ng katawan tulad ng singit, kilikili at leeg ay nakapagpapaginhawa sa maysakit. Huwag basain ang buong katawan, kundi ilang parte lamang. Kapag napunasan na ang katawan ay huwag itong tuyuin. Hayaan mag-evaporate ang tubig para sumingaw ang init sa katawan.
5. Huwag magbalot ng kumot o jacket. Kahit ika’y giniginaw (dahil sa pagtaas ng lagnat), huwag magbalot ng kumot dahil lalo lang tataas ang lagnat.
6. Dapat ay hindi mainit o kulob ang iyong kuwarto. Kung may aircon o electric fan ay buksan ito. Ang preskong hangin ay makatutulong sa pagdaloy ng oxygen.
7. Kumain ng sapat at masustansya. Kailangan ng katawan ang lakas para labanan ang sakit. Ang lugaw, prutas at gulay ay mabuti sa katawan.
8. Matulog at magpahinga. Ito talaga ang nagpapalakas sa katawan.
9. Puwedeng uminom ng Paracetamol tablet o syrup tuwing 4 na oras kapag mataas ang lagnat sa 38.5 degrees Centigrade. Kumunsulta sa doktor kung lampas sa 39 degrees ang lagnat, masama ang pakiramdam o higit sa tatlong araw ang lagnat.