^

PSN Opinyon

Shout out para sa Makati High School robotics team

#PROUDMAKATIZEN - Abby Binay - Pilipino Star Ngayon

Buong pagmamalaki kong ibinabalita na ang Makatrix Ro­botics Team ng Makati High School ay kakatawan sa bansa­ sa nalalapit na 2024 VEX Robotics World Champion­ship sa Kay Bailey Hutchinson Convention Center sa Dallas, Texas. Lilipad ang ating mga #ProudMakatizen stu­dents para sa kompetisyon na gagawin mula April 25 hanggang May 3, 2024. Excited ako para sa kanila dahil kakaibang adven­ture ito at magiging mahalagang bahagi ng kanilang high school life.

Bago nga ito ay itinanghal muna ang Makatrix team na national champion sa 2024 VEX Robotics Competition Philippine National Championship na ginanap sa Xavier School sa San Juan City noong February 24, 2024. Dito ay tinalo nila ang ibang teams mula sa private at public schools sa bansa. Sobrang bilib ako sa galing ng mga batang ito at sa kanilang determi­nas­yong maging “best of the best.” Puspusan ang kani­lang pag-aaral at research para mapaganda ang kanilang mga robots.

Kami naman sa pamahalaang lungsod ay todo suporta at back-up para sa co-curricular at extracurricular activities sa technology at innovations ng Makati public schools. Ang pagkapanalo ng Makatrix team ay indikasyon na talagang maganda at pang competition-level ang ating mga prog­rama. Apat na Grade 12 students lamang ang miyembro ng Makati High School students Makatrix robotics team. Sina John Ashley Alvarado, Enriquito Yamzon, Brian Bernabe, at Fritz Rivera ay nasa ICT specialization track at kitang-kita naman na nag-e-excel sila sa nasabing programa.

Sa nalalapit na kompetisyon ay makikipagtagisan sila ng galing sa 11,500 teams mula sa 40 na mga bansa sa higit sa 750 tournaments sa Over Under Division para sa mga mag-aaral na mula Grades 6 hanggang 12. Makakasama nila ang kanilang Robotics coach na si Zernie Pugao. Ang VEX Robotics World Championship ay naglalayong pasig­lahin ang STEM (Science, Technology, Engineering, and Ma­the­­­matics) skills ng mga mag-aaral mula sa iba’t ibang background. Gamit dito ang makabagong teknolohiya na nag­de­debelop ng mga technical skills sa programming, critical thinking, at soft skills tulad ng teamwork, collaboration, com­munication, at time management.

Hindi ito ang unang beses na nanalo ang Makatrix robo­tics team. Naging kampeon din sila ng VEX Regional Championship Over Under Scrimmage noong December 9, 2023. Bukod pa dito ang MAKhina team ng Makati High School ay puma­ngatlo sa 2023 Manila VEX Robotics Competition. Third place din sila sa Robotics Innovative Project sa 14th Sci-Math Interschool Challenge na ginanap sa De La Salle Integrated School noong March 11, 2023.

Samantala, nanalo naman ng bronze medal ang chess team ng Makati High School sa regional team level noong February 28, 2023. Patunay ang mga ito sa dedikasyon ng paaralan, na pinamumunuan ni Principal Corazon Caculitan, sa pagtataguyod ng kahusayan sa iba’t ibang larangan. Sa puntong ito ay gusto ko pong pasalamatan hindi lamang ang Makatrix robotics team kundi pati na rin ang kanilang mga magulang at pamilya sa patuloy na suporta at tiwala. Ang sakripisyo po ninyo at kumpyansa sa kakayanan ng inyong mga anak ay malaking tulong para sa pagpapaganda ng kanilang kinabukasan.

* * *

Pagdating naman sa sports programs ay hindi tayo magpapaiwan. Nagsimula na ang tryouts para sa Alyssa Valdez Youth Volleyball Camp (AVYVC) sa Poblacion Covered Court noong Sabado, March 2. Mahigit 500 #ProudMakatizen youth ang sumubok makapasok sa volleyball camp na pangungunahan mismo ng celebrity athlete na si Alyssa Valdez. Ang susunod na tryouts ay gaganapin sa Palanan Sports Complex sa March 9, 2024.  Balita ko nga ay may mga iba nang lugar na gustong gumaya sa aming volleyball camp. Tandaan, tayo ang nauna at tayo lang ang may Alyssa Valdez.

MAKATIZEN

  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with