APAT na uri ng kulaboretor nu’ng panahon ng Hapon, saliksik ni Prof. Augusto de Viana. Nar’un ang mga kulaboretor sa larangang militar.
Mga armado silang kumampi sa Hapon dahil sa galit sa Amerikano.
Nar’on ang kulaboretor sa pulitika. Isa si Benigno S. Aquino, lider ng Kapisanan sa Paglilingkod sa Bagong Pilipinas (Kalibapi). Maraming mambabatas ang sumapi para patuloy na maghari-harian.
Nar’on ang kulaboretor sa ekonomiya. Isa si Mariano Marcos. Nagbenta sila ng scrap iron para gamiting pandigma ng Hapon. Nanatili silang mayaman habang nagugutom ang madla.
Nar’on ang kulaboretor sa kultura. Manunulat, brodkaster at patnugot sila ng diyaryo, magasin at radyo. Propaganda nila na normal ang lahat, at mga bandidong kontra-Hapon lang ang kinakarsel.
Napipinto ang giyera ng Pilipinas sa China. Ito’y dahil nilalabag ng China Communist Party ang pandaigdigang batas. Inaangkin niya ang exclusive economic zones ng Pilipinas, Brunei, Indonesia, Malaysia, Vietnam. Batay lang ito sa kathang isip ng CCP na 9-, 10-, o 11-dash lines.
Para sa CCP, ang malalaking bansa lang tulad ng China ang may karapatan. Sumabay na lang daw sa agos ang maliliit na bansa.
Sa giyera sa China, maglilitawan din ang apat na uri ng kulaboretor. May mga heneral na hayagang papatay ng Pilipino. May mga pulitikong magsusulong ng interes ng CCP. May mga kapitalistang mamamahagi ng likas na yaman ng bansa. May mga propagandistang magbabaluktot ng mga isyu.
Isa lang ang magiging tungkulin natin. Ito’y ang manatiling makabansa. Maging mapanuri, mapagmatyag, naglilitawan na ang mga kulaboretor ng CCP.
* * *
Makinig sa Sapol, Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM).