EDITORYAL — Oil spill sa Mindoro
UMABOT sa P41 bilyon ang pinsala ng oil spill sa Oriental Mindoro. Hanggang sa kasalukuyan, bagamat inalis na ang state of calamity sa mga lugar na pininsala ng oil spill, marami pa rin sa mga mangingisda ang hindi pa lubusang nakababangon. Ang bakas ng tumapong langis ay makikita pa rin sa mga batuhan. Ayon sa mga eksperto, matatagalan pa bago tuluyang maalis ang nakakapit na langis. Kung sa mga batuhan ay nakakapit pa ang langis, tiyak na mayroon pa rin sa mga corals na tirahan ng mga isda at iba pang lamandagat.
Isang taon na ang nakararaan mula nang tumapon ang mahigit 800,000 litro ng industrial fuel oil na karga ng Mt Princess Empress sa karagatang sakop ng Naujan, Oriental Mindoro noong Pebrero 28, 2023. Pero hindi lamang ang Naujan ang naperwisyo kundi ang marami pang bayan sa Oriental Mindoro. Kumalat din ang langis sa Pola, Pinamalayan, Gloria, Mansalay at Calapan. Sa lahat ng mga bayan, ang Pola ang grabeng tinamaan ng oil spill. Nasira ang magagandang tanawin sa mga beach ng Pola nang makulapulan ng langis. Ang mga luntiang bakawan na pang-akit ng Pola ay nasira rin. Ang pangingisda ang numero unong pinagkakakitaan ng mga taga-Pola. Nagbigay ng ayuda ang pamahalaan sa mga naapektuhang mangingisda pero ang sabi ng mga taga-Pola at Pinamalayan, mas inuna pa ang ibang bayan o siyudad na binigyan ng ayuda. Ang mga grabeng naapektuhan ay naisantabi umano.
Hanggang ngayon naman ay wala pang ibinababang hatol sa mga may-ari ng Mt Princess Empress. Malaki ang pananagutan ng may-ari ng tanker sapagkat lumalabas sa imbestigasyon na hindi naman ito talaga kargahan ng langis at ni-repair lamang sa isang shipyard sa Navotas. May malaki ring pananagutan ang mga miyembro ng Philippine Coast Guard na nagbigay ng permiso sa Mt Princess Empress na makapaglayag sa kabila na hindi naman ito kargahan ng langis.
Hindi pa malaman kung magkano ang matatanggap na danyos ng mga mangingisda na naapektuhan ng oil spill. Hindi rin tiyak kung kailan matatanggap sapagkat wala pa namang ibinababang desisyon. Ang isang tiyak, patuloy pa ring nakakapit sa patalim ang mga mangingisda sapagkat nananatili pa rin ang bakas ng oil spill.
Sa ganitog sitwasyon, hindi dapat hayaan na magutom ang mga apektadong mangingisda partikular sa Pola at Pinamalayan. Bagama’t nagkaloob na ng tulong ang Department of Social welfare and Development (DSWD) ng cash aid sa 14,291 mangingisda na naapektuhan ng oil spill, hindi pa rin dapat tumigil sa pamamahagi ng ayuda. Tulungan pa rin sila.
- Latest