ISA sa top news ng Pilipino Star NGAYON kahapon ay ang pagkampi na ni dating Presidente Duterte sa Charter change (Cha-cha). Ano ang rason sa kanyang pagbabago ng kaisipan? Baka sabihin niya, only fools don’t change their minds.
Sa tingin ko, hindi naman talaga nagbago ang paninindigan niya kundi paraan ito upang kumambiyo sa kanyang dating pahayag na kontra sa mga tagapagsulong ng Cha-cha na kaalyado niya. Nilinaw lang kung ano ang inaayawan niya sa pagbabago ng Saligambatas.
Ito ay ang term extension o pagpapalawig sa termino ng mga halal na opisyal. Masyado nga namang self-serving kung ganyan ang lihim na motibo ng mga tagapagsulong ng Cha-cha. Maaalala na nagpuyos sa galit ang dating Presidente up to the point na tinawag niyang adik sa droga si President Bongbong Marcos.
Nagbanta pa si Duterte na ihihiwalay niya ang Mindanao sa Pilipinas na umani ng tuligsa nang maraming mamamayan dahil rurok ito ng kataksilan sa Inambayan ng isang dating naglingkod bilang Presidente.
Naramdaman marahil ni Duterte ito kaya agad kumambyo at sinabing federalism ang isinusulong niya at hindi secession. Magaling ang dating Presidente sa pagkambyo kapag sumabit ang kanyang mga pahayag.
Ngunit naniniwala ako na ang paghahayag ng galit ni Duterte ay ang kanyang napipintong pag-aresto ng International Criminal Court (ICC) upang papanagutin siya sa ipinaparatang na crime against humanity sa ilalim ng kanyang giyera kontra sa droga.
Mukhang payapa na naman ang usapin sa ICC kaya siguro pati mood ng dating Pangulo ay huminahon.