EDITORYAL - May ginagawa ba ang NIA?
Nagkabitak-bitak na ang mga palayan sa Bulalacao, Oriental Mindoro. Tuyung-tuyo na ang mga palay na bago pa lamang nabubuntis. Hindi na mapapakinabangan dahil sa kawalan ng tubig. Kahit pa umulan nang malakas na imposibleng mangyari dahil sa pananalasa ng El Niño, mahirap nang maisalba ang pananim partikular ang palay.
Umiiyak ang isang ginang sapagkat ang bukid lamang ang kanilang pinagkukunan ng ikinabubuhay. Ngayong wala na silang mapapakinabang, humihingi siya ng tulong sa pamahalaan. Nananawagan din ang mayor ng Bulalacao na tulungan sila ng pamahalaan. Idineklara na ang state of calamity sa Oriental Mindoro. Halos ganito rin ang nararanasan sa Occidental Mindoro na marami nang palayan ang natuyot dahil sa epekto ng El Niño.
Ayon sa Department of Agriculture (DA), umabot na sa P151.3 milyon ang pinsala sa agrikultura sa Western Visayas at Zamboanga Peninsula. Apektado ang kabuhayan ng 3,923 magsasaka sa mga nasabing lugar.
Inireport naman ng Office of Civil Defense (OCD) na walong probinsiya sa Luzon ang nakararanas ng tagtuyot dahil sa kawalan ng ulan. Ayon kay OCD Administrator Ariel Nepomuceno, ang mga probinsya na nakararanas ng tagtuyot ay ang Apayao, Bataan, Cagayan, Cavite, Ilocos Norte, Kalinga at Zambales. Pati sa Palawan ay nararamdaman na umano ang bangis ng El Niño.
Nagbabala noon pang nakaraang taon ang National Water Resources Board (NWRB) na magtipid ang mamamayan sa paggamit ng tubig dahil sa kakaharaping tagtuyot dulot ng El Niño. Payo ni National NWRB Executive Director Sevillo David sa mamamayan na huwag mag-aksaya at i-recyle ang tubig. Dapat tumulong ang publiko o consumers sa water management.
Habang marami ang gumagawa ng paraan at solusyon, kataka-taka namang walang nakikitang pagkilos sa National Irrigation Administration (NIA) na dapat manguna sa paghanap ng solusyon kung paano matutubigan ang mga natitigang na palayan sa kasalukuyan. Sila ang may responsibilidad para masuplayan ng tubig ang mga bukirin.
Ayon sa mga magsasaka, walang irrigation system o anumang patubig na isinagawa ang NIA. Wala ring mga ibinabaon na mga pump o poso ng tubig sa palayan. Tanong pa ng mga magsasaka, nasaan ang budget ng NIA para sa 2024 na nagkakahalaga ng P41.7 billion? Ang malaking budget ng NIA ay nakalaan para sa pagpapagawa, pagsasaayos, pagre-rehabilitate at para sa maintenance ng irrigation system.
Narito na ang El Niño subalit walang nakikitang pagkilos ang NIA. Marami na ang natutuyot na palayan pero dedma lang ang NIA?
- Latest