Mga Pinoy teacher kinikilala sa Amerika

Walang malinaw o nakalaang datos sa kasalukuyang bilang ng mga titser na Pilipino na nagtatrabaho sa Amerika, na isa sa mga dayuhang bansang kumukuha ng mga guro mula sa Pilipinas. Marami na rin namang mga gurong Pinoy na roon na nanirahan nang permanente, naging mamamayang Amerikano, nagpaunlad at nagtagumpay sa kanilang karera. Meron sa kanila na sa Amerika na ipinanganak at lumaki. Pana-panahong may naglalabasang mga balita sa nagdaang mga dekada hinggil sa mga titser na Filipino o masasabi nang mga Filipino-American teacher na nakakatanggap ng mga kaukulang parangal, pagkilala o mas matataas na posisyon sa kanilang propesyon. Isang pruweba ng pagkilala ng lipunang Kano sa kakayahan at kagalingan ng mga edukador mula sa ating bansa kaya naman patuloy pa rin itong kumukuha ng mga titser mula sa Pilipinas sa kabila ng kahigpitan ng pamahalaang Amerkano sa pag-iisyu ng visa sa mga migranteng manggagawa.

Nito ngang nagdaang Pebrero 6, 2024, isang 29-anyos na Filipino special education teacher sa Kalskag Village, Alaska na si Dale Ebcas ang ginawaran ng Individual of the Year Award for Special Education in Inclusive Practices dahil sa kanyang pagpupursigeng maturuan ang mga batang may kapansanan. Kinilala siya ng The Governor’s Council on Disabilities and Special Education in the state of Alaska. Si Ebcas na nagmula sa Cagayan de Oro City ay apat na taon nang nagtuturo sa naturang estado ng U.S., ayon sa isang ulat ng GMA.

Tinipon at pinangalanan naman sa Filipino news magazine blog na FilAm Tribune ang ilan sa mga titser na Pilipino na kinilala at nakaukit ng sarili nilang kasaysayan sa Estados Unidos.

Kabilang dito si Lady Aileen Orsal mula sa Cavite na nahirang na unang Filipino language instructor ng Harvard University noong 2023. Ang pagkakatalaga sa kanya sa posisyon ay naging mahalagang pagkilala sa wika at kulturang Pilipino.  Kumalat sa iba’t ibang media outlet maging hanggang sa Pilipinas ang pagkakatalaga niya sa puwesto.

Isa ring Filipino teacher na si Ma. Ismaela “Ella” Nava ang nakatanggap noong 2022 ng Heart of Education award dahil sa natatangi niyang trabaho sa special education sa Paradise Elementary School, Clark County School District sa Las Vegas, Nevada.

Isa pang Filipino Math teacher sa High School for Law Enforcement and Public Safety si Dr. Eleuterio Timbol na noon ding 2022 ay ginawaran ng Governor’s Empire State Excellence in Teaching Award sa New York kasama ng 54 pang top educators. Ipinanganak sa Romblon at nagmula sa Laguna si Timbol na 24 na taon na sa pagtuturo. Umalis siya sa Pilipinas sa edad na 19 taong gulang. Nakakuha siya ng Ph_D in educational management sa Cavite State University sa Pilipinas. Bago siya tumira sa New York noong early 2000s, naging high school teacher at Math Department coordinator siya sa Pilipinas mula 1998 hanggang 2003.

Sa kauna-unahang pagkakataon, mula noong 1955, isang Filipino-American teacher na nagngangalang  Ethelyn Tumalad ang pinagkalooban ng parangal na Oregon’s Teacher of the Year ng Oregon  Department of Education noong 2022  dahil sa kahusayan niya sa pagtuturo at sa abilidad niyang makipag-ugnayan sa kanyang mga estudyante na sumasalim sa kaugaliang Filipino na “pakikipagkapwa-tao.” Ipinanganak si Tumalad sa Pilipinas at dumayo sa United States sa edad na limang taong gulang kasama ng kanyang pamilya.

First-grade Filipino science teacher ng Amberlea Elementary School sa Phoenix, Arizona na si  John Carlo Tulinao ang nakatanggap ng Shell Urban Science Educator Development Award mula sa National Science Teaching Association (NSTA) noong 2021. Pinagyaman niya ang kanyang mga klase sa paggamit ng mga musical instrument ng iba’t ibang kultura sa pagtuturo. Gumamit siya ng violin, guitar, harp, cello, flute, sax, drums, at tongatong sa pagtuturo ng STEAM concepts. Grumadweyt si Tulinao sa University of the Philippines at nagturo sa University of Rizal bago dumayo sa U.S.

Biology teacher sa Hawaii ang FilAm na si Dr. Nel Venzon na noong 2019 ay napabilang sa apat na Hawaii public school teacher na napabigyan ng Presidential Awards for Excellence in Mathematics and Science Teaching (PAEMST).

Napabilang naman sa Blackboard Honorees ng New York noong 2018 ang Filipino K12 teacher na si Ronie L. Mataquel na nagtuturo ng Geometry at Algebra sa John Bowne High School. Kinilala rito ang mga pagsisikap niya na maihanda ang mga estudyante sa City University of New York (CUNY) placement exam. Napakaraming estudyante sa kanyang remedial classes ang nagtamo ng pinakamataas na grado dahil sa kakaiba niyang istilo at disiplina. Nagtapos ng pag-aaral si Mataquel sa University of the Philippines-Los Banos. Dumayo siya sa U.S. noong 2022 at naging Mathematics Adjunct lecturer sa sa Brooklyn College, Lander College at CUNY.

Noong 2014 at 2015, si Levlyn Marquez Pruehr ang naging unang Pilipino na pinagkalooban ng parangal na State Teacher of the Year at California  Teacher of the Year, ayon sa pagkakasunod. Espesyalisasyon ni Pruehr ang English Language at matagal siyang nagsilbi sa Los Angeles Unified School District.

Kabilang pa sa mga natatanging edukador na Pilipino sa United States na binanggit ng FilAm Tribune sina Dr. Jose B. Cruz, Jr. na mahalaga ang naging kontribusyon sa larangan ng mathematics at engineering at binigyang-pagkilala noong 1960s at 1970s. Malaki ang epekto sa iba’t ibang technological applications ang kanyang mga trabaho sa control theory at systems engineering; Dr. Aurora Villamayor na naging prominenteng personalidad sa larangan ng edukasyon na may natatanging kontribusyon mula noong 1970s; Dr. Emmanuel B. Cabral na espesyalista sa pediatrics at medical education at iginalang bilang medical practitioner at edukador. Kinilala ang mga tagumpay niya sa pediatric medicine at medical education sa Amerika mula pa noong 1980s; at Dr. Lorna K. Lubin na nakilala sa ekstensibong nagawa niya sa edukasyon lalo na sa teacher education at educational leadership. Sa buo niyang karera mula noong 1980s, nakapagbigay siya ng mahalagang ambag sa larangan ng edukasyon sa Amerika na nagtatak ng pangmatagalng legasya sa akademiya.

* * * * * * * * * * *

Email- rmb2012x@gmail.com

Show comments