EDITORYAL — Dolomite Beach at basurang plastic

NOONG nakaraang linggo, isang toneladang basura­ ang nakuha sa Dolomite Beach. Pawang single-use plastic ang nagkalat sa beach na ginastusan ng P389 milyon noong panahon ni President Rodrigo Duterte. Kabilang ang Dolomite Beach sa Manila Bay beautification project. Hinakot pa mula sa Cebu ang puting buhangin na inilagay sa Dolomite Beach pero ngayon, natakpan na ng dumi. Basura lamang ang na­kikinabang. Mas maganda pa kung tinaniman ng bakawan ang kontrobersiyal na beach.

Imposibleng maging malinis ang Dolomite Beach sapagkat ang Manila Bay ang hantungan nang mara­ming basura. Bukod sa Metro Manila, maraming pro­binsiya na nakapaligid sa Manila Bay at dito inaanod ang basura na pawang plastic.

Sa 2023 Marine Litter Monitoring Survey in Manila Bay na isinagawa ng Ecowaste, Korean International Cooperation Agency, De LaSalle University-Dasma­riñas at Department of Environment and Natural Resources, pawang basurang plastic ang nasa Manila Bay. Kabilang sa mga basurang plastic na nakolekta sa Manila Bay ay single-use utensils, iba’t ibang sachets ng coffee, shampoo, catsup; wrappers, cup ng noodles at mayroon ding fiber, film, at hard plastic.

Noong 2021, sinabi ng World Bank na masyado nang nagdedepende ang Pilipinas sa single-use plastics. Tinagurian na nilang “sachet economy” sapagkat umabot na sa nakaaalarmang level ang plastic pollution sa rehiyon. Kung hindi raw magkakaroon ng pag­babago at magpapatuloy sa pagdepende ang bansa sa single-use plastic, lulubha pa ang problema. Ipinayo ang mahigpit na implementasyon ng Solid Waste Management Act of 2000, Clean Water Act of 2004 at Operational Plan for the Manila Bay Coastal Strategy.

Nang manungkulan si President Ferdinand Marcos Jr. noong Hulyo 2022, ipinangako niya na tutulong ang Pilipinas sa paglilinis ng mga basura sa karagatan partikular ang mga single-use plastic. Hindi raw tatalikod ang pamahalaan sa tungkulin lalo pa’t ang Pili­pinas ay isa sa plastic polluter sa Asia.

Noong Hulyo 2023, sa ikalawang SONA ni Marcos, hiniling niya sa Kongreso na magpasa ng batas na mag-i-imposed ng excise taxes sa single-use plastics. Pero walang ginawa ang mga mambabatas at mas tinu­tukan ang Charter change na hanggang ngayon ay pinagdedebatehan pa dahil sa maanomalyang pag­papapirma sa mamamayan.

Umaapaw ang plastic sa Manila Bay at kung walang gagawin ang pamahalaan, mas matatanaw pa ang mga basurang lumulutang kaysa hinahangaang pag­lubog ng araw.

Show comments